Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Galacia 5:5-16

Mga Taga-Galacia 5:5-16 TLAB

Sapagka't tayo sa pamamagitan ng Espiritu sa pananampalataya ay naghihintay ng pangako ng katuwiran. Sapagka't kay Cristo Jesus, kahit ang pagtutuli ay walang kabuluhan, kahit man ang di-pagtutuli; kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pagibig. Nagsisitakbo kayong mabuti nang una; sino ang gumambala sa inyo upang kayo'y huwag magsisunod sa katotohanan? Ang paghikayat na ito ay hindi nagmula doon sa tumawag sa inyo. Ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak. Ako'y may pagkakatiwala sa inyo sa Panginoon, na hindi kayo nagsipagisip ng ibang paraan: datapuwa't ang gumagambala sa inyo ay magtataglay ng kaniyang kahatulan, maging sinoman siya. Nguni't ako, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit ako'y pinaguusig pa? kung gayon ay natapos na ang katitisuran sa krus. Ibig ko sana na ang mga nagsisigulo sa inyo ay gumawa ng higit sa pagtutuli. Sapagka't kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; huwag lamang gamitin ang inyong kalayaan, upang magbigay kadahilanan sa laman, kundi sa pamamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo. Sapagka't ang buong kautusan ay natutupad sa isang salita, sa makatuwid ay dito: Iibigin mo ang inyong kapuwa na gaya ng inyong sarili. Nguni't kung kayo-kayo rin ang nangagkakagatan at nangagsasakmalan, magsipagingat kayo na baka kayo'y mangaglipulan sa isa't isa. Sinasabi ko nga, Magsilakad kayo ayon sa Espiritu, at hindi ninyo gagawin ang mga pita ng laman.