At mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso, at ipinatawag ang mga matanda sa iglesia. At nang sila'y magsidating sa kaniya, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo, na mula nang unang araw na ako'y tumungtong sa Asia, kung paano ang pakikisama ko sa inyo sa buong panahon, Na ako'y naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba ng isip, at ng mga luha, at ng mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagbakay ng mga Judio; Kung paanong hindi ko ikinait na ipahayag sa inyo ang anomang bagay na pakikinabangan, at hayag na itinuro sa inyo, at sa mga bahay-bahay, Na sinasaksihan ko sa mga Judio at gayon din sa mga Griego ang pagsisisi sa Dios, at ang pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo. At ngayon, narito, ako na natatali sa espiritu ay pasasa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon: Maliban na pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo sa bawa't bayan, na sinasabing ang mga tanikala at ang mga kapighatian ay nagsisipagantay sa akin. Datapuwa't hindi ko minamahal ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan, at ang ministeriong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo ng evangelio ng biyaya ng Dios. At ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat, na aking nilibot na pinangaralan ng kaharian, ay hindi na ninyo muling makikita pa ang aking mukha. Kaya nga pinatotohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y malinis sa dugo ng lahat ng mga tao. Sapagka't hindi ko ikinait ang pagsasaysay sa inyo ng buong kapasiyahan ng Dios. Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila'y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo. Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan; At magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama, upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan.