Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. Ubos-lakas siyang sumigaw, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay tahanan na lamang siya ng mga demonyo, bilangguan ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. Sapagkat pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay.”
Narinig ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi,
“Umalis ka sa Babilonia, bayan ko!
Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan,
upang hindi ka maparusahang kasama niya!
Sapagkat abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya,
at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan.
Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa inyo,
gumanti kayo nang higit pa sa kanyang ginawa.
Punuin ninyo ang kanyang kopa
ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa inyo.
Kung paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan,
palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian.
Sapagkat lagi niyang sinasabi,
‘Reyna akong tinatanghal!
Hindi ako biyuda,
hindi ako daranas ng kasawian kailanman!’
Dahil dito, sabay-sabay na daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw:
sakit, dalamhati, at taggutom;
at tutupukin siya ng apoy.
Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya.”
Tatangis at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lunsod. Tatayo lang sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang matatag na lunsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa dakila at makapangyarihang lunsod ng Babilonia!”
Dahil sa kanya'y tatangis din at magdadalamhati ang mga mangangalakal sa daigdig, sapagkat wala nang bibili ng kanilang paninda. Wala nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, alahas at perlas, mga linen, seda, telang kulay ube at pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol. Wala nang bibili ng kanilang sinamon at mga pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak at langis, harina at trigo, mga baka at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin, at pati buhay ng tao. “Wala na ang lahat ng mga bagay na hinangad mo. Ang lahat ng kayamanan mo, pati na ang iyong kagandahan ay napahamak kasama mo at hindi na masisilayan ng mga tao kailanman!” Hindi lalapit ang mga mangangalakal na yumaman sa lunsod na iyon sapagkat takot silang madamay sa kanyang paghihirap. Tatangis sila at magdadalamhati. Sasabihin nila, “Nakakapangilabot ang nangyari sa tanyag na lunsod! Dati'y nadaramtan siya ng lino at telang kulay ube at pula, at napapalamutian ng mga alahas, ginto at perlas! Sa loob lamang ng isang oras ay naglahong lahat iyon!”
Mula sa malayo ay tumanaw ang mga kapitan, mga pasahero, at mga tripulante ng mga sasakyang pandagat, at lahat ng nabubuhay sa pagdaragat