Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 23:26-43

Lucas 23:26-43 MBB05

Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod kay Jesus. Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. Nilingon sila ni Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Tabunan ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Itago ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin kapag ito'y tuyo na?” May dalawa pang kriminal na inilabas ng mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [Sinabi…ginagawa: Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] Pinaghati-hatian ng mga kawal ang damit ni Jesus. Sila'y nagpalabunutan upang malaman kung kani-kanino mapupunta ang bawat kasuotan niya. Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” Nilait din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” Isinulat nila sa kanyang ulunan, “Ito ang Hari ng mga Judio.” Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.” Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”