Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 22:7-19

Lucas 22:7-19 MBB05

Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siya namang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong pampaskwa. Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating hapunang pampaskwa.” “Saan po ninyo nais na maghanda kami?” tanong nila. Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lunsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan. Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may nakahanda nang kagamitan. Doon kayo maghanda.” Pumunta nga sila at natagpuan nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa. Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. Sinabi niya sa kanila, “Nagagalak ako na makasama kayo sa hapunang ito bago ako maghirap. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.” Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga't hindi dumarating ang kaharian ng Diyos.” Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”