Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 15:20-32

Lucas 15:20-32 MBB05

At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila. “Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng singsing at bigyan ninyo siya ng sandalyas. Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y magdiwang. Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’ At sila nga'y nagdiwang.” “Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ sagot ng alila. ‘Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buháy at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. Ngunit sumagot siya, ‘Pinaglilingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!’ Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Lucas 15:20-32