Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong kay Jesus. Siya rin ay sinuotan nila ng balabal na kulay ube at bawat isa'y lumalapit sa kanya at patuyang bumabati, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At kanilang pinagsasampal si Jesus.
Lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao, “Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong makitang kasalanan sa kanya!” At inilabas nga si Jesus na may koronang tinik at balabal na kulay ube. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Sige! Pagmasdan ninyo siya!”
Pagkakita sa kanya ng mga punong pari at ng mga bantay, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!”
Sinabi ni Pilato, “Kunin ninyo siya, bahala kayong magpako sa kanya dahil wala akong makitang kasalanan sa kanya.”
Sumagot ang mga Judio, “Ayon sa aming kautusa'y nararapat siyang mamatay, sapagkat siya'y nagpapanggap na Anak ng Diyos.”
Nang marinig niya ang sinabi nila, lalong natakot si Pilato. Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Subalit hindi tumugon si Jesus. Muling nagtanong si Pilato, “Ayaw mo bang makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?”
Sumagot si Jesus, “Magagawa mo lamang iyan sapagkat ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo.”
Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa niyang hinangad na palayain si Jesus. Ngunit nagsigawan ang mga tao, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Ang sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Emperador.”
Pagkarinig ni Pilato sa mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at siya'y umupo sa hukuman, sa dakong tinatawag na “Plataporma,” Gabatha sa wikang Hebreo.
Araw noon ng Paghahanda sa Paskwa, at mag-aalas dose na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang inyong hari!”
Sumigaw sila, “Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!”
“Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” tanong naman ni Pilato. Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador!”
Kaya't ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya'y maipako sa krus.
Kinuha nga nila si Jesus. Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y “Lugar ng Bungo,” Golgotha sa wikang Hebreo. Pagdating doon, siya'y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Isinulat ni Pilato ang ganitong mga salita at ipinalagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lunsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. Kaya't ipinagpilitan ng mga punong pari kay Pilato, “Hindi sana ninyo isinulat ang ‘Ang Hari ng mga Judio’, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”
Ngunit sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko'y naisulat ko na.”
Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang panlabas na kasuotan at pinaghati-hati sa apat. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Kaya't nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; daanin na lamang natin sa palabunutan para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,
“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;
at nagpalabunutan sila kung kanino mapupunta ang aking damit.”
Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.
Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ina, ituring mo siyang sariling anak!”
At sinabi niya sa alagad, “Ituring mo siyang iyong ina!” Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.
Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”
May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.