Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 41:1-29

Isaias 41:1-29 MBB05

Sinabi ni Yahweh, “Tumahimik kayo at makinig, kayo na nasa malalayong lupain! Pag-ibayuhin ninyo ang inyong lakas, at dalhin sa hukuman ang inyong usapin. Doon ang panig ninyo ay papakinggan upang malaman kung sino ang may katuwiran. “Sino ang nagdala sa isang mananakop mula sa silangan, at nagbigay ng tagumpay sa lahat ng kanyang pakikipaglaban? Ang mga hari't mga bansa ay parang alikabok na lumilipad sa bawat hataw ng kanyang tabak; at parang dayaming tinatangay dahil sa kanyang pana. Buong bilis na tinutugis niya ang mga kaaway, ang kanyang mga paa'y hindi halos sumayad sa lupa. Sinong nasa likod ng lahat ng ito? Sinong nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan mula sa pasimula? Akong si Yahweh, na naroon na noon pa man, at mananatili hanggang sa katapusan. “Ito'y nasaksihan ng mga tao sa malalayong lupain, at nanginginig sila sa takot; kaya silang lahat ay lumapit sa akin at sumamba. Sila-sila ay nagtutulungan at nagpapayuhan, ‘Huwag kayong matakot.’ Sinabi ng mga karpintero sa mga panday-ginto, ‘Magandang trabaho!’ Hinangaan ng mga gumagawa ng rebulto ang mga nagkabit-kabit nito, at ang sabi, ‘Mahusay ang pagkahinang’; pagkatapos ay ipinako ang rebulto sa patungan nito. “Ngunit ikaw, Israel, na aking lingkod lahi ni Abraham na aking kaibigan. Ikaw ang bayang aking hinirang. Ikaw ay kinuha ko sa mga dulo ng daigdig; sa pinakamalalayong sulok nito, sinabi ko sa iyo noon, ‘Ikaw ay aking lingkod.’ Pinili kita at hindi itinakwil. Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas. “Lahat ng may galit sa iyo ay mapapahiya, at mamamatay ang sinumang lumaban sa iyo. Hahanapin ninyo sila ngunit hindi makikita, mawawala na sila ng lubusan dito sa lupa. Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang magpapalakas sa inyo. Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’” Sinabi pa ni Yahweh, “Israel, mahina ka man at maliit, huwag kang matakot, sapagkat tutulungan kita. Ako ang iyong tagapagligtas, ang banal na Diyos ng Israel. Gagawin kitang tulad ng panggiik, na may bago at matatalim na ngipin. Iyong gigiikin ang mga bundok at burol, at dudurugin hanggang maging alabok. Ihahagis mo sila at tatangayin ng hangin; pagdating ng bagyo ay pakakalatin. Magdiriwang kayo sa pangalan ni Yahweh, at pararangalan ang Banal na Diyos ng Israel. “Kapag inabot ng matinding uhaw ang aking bayan, na halos matuyo ang kanilang lalamunan, akong si Yahweh ang gagawa ng paraan; akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya. Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol, aagos ang masaganang tubig sa mga libis; gagawin kong lawa ang disyerto, may mga batis na bubukal sa tuyong lupain. Ang mga disyerto'y pupunuin ko ng akasya't sedar, kahoy na olibo at saka ng mirto; kahoy na sipres, alerses at pino. At kung magkagayon, makikita nila at mauunawaan na akong si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, ang gumawa at lumikha nito.” Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Hari ni Jacob: “Kayo ay lumapit, mga diyus-diyosan, ang panig ninyo ay ipaglaban. Lumapit kayo at inyong hulaan ang mga mangyayari sa kinabukasan. Ipaliwanag ninyo sa harap ng hukuman, upang pagtuunan ng aming isipan, ang mga pangyayari sa kahapong nagdaan. Maniniwala kaming kayo nga ay diyos kapag ang hinaharap inyong mahulaan. Kayo'y magpakita ng anumang gawang mabuti, o kahit masama, nang kami'y masindak o kaya'y manghina. Kayo at ang inyong gawa'y walang kabuluhan; ang sumasamba sa inyo ay kasuklam-suklam. “Mayroon akong isang taong pinili mula sa silangan, at aking pinasasalakay mula sa hilaga. Parang lupang kanyang tatapakan ang mga hari, tulad ng pagmamasa sa putik na ginagawang palayok. Mula sa simula sino sa inyo ang nakahula na ito'y mangyayari, para masabi naming siya ay tama? Walang sinabing anuman tungkol dito ang isa man sa inyo. Akong si Yahweh ang unang nagbalita nito sa Jerusalem, nang ipasabi ko sa aking sugo ang ganito: “Ang aking bayan ay uuwi na.” Nang ako'y maghanap wala akong nasumpungang tagapayo, na handang sumagot sa sandaling magtanong ako. Lahat ng diyus-diyosan ay walang kabuluhan. Wala silang magagawang anuman dahil sila'y mahihina at walang kapangyarihan.”