Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 41:1-10

Isaias 41:1-10 MBB05

Sinabi ni Yahweh, “Tumahimik kayo at makinig, kayo na nasa malalayong lupain! Pag-ibayuhin ninyo ang inyong lakas, at dalhin sa hukuman ang inyong usapin. Doon ang panig ninyo ay papakinggan upang malaman kung sino ang may katuwiran. “Sino ang nagdala sa isang mananakop mula sa silangan, at nagbigay ng tagumpay sa lahat ng kanyang pakikipaglaban? Ang mga hari't mga bansa ay parang alikabok na lumilipad sa bawat hataw ng kanyang tabak; at parang dayaming tinatangay dahil sa kanyang pana. Buong bilis na tinutugis niya ang mga kaaway, ang kanyang mga paa'y hindi halos sumayad sa lupa. Sinong nasa likod ng lahat ng ito? Sinong nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan mula sa pasimula? Akong si Yahweh, na naroon na noon pa man, at mananatili hanggang sa katapusan. “Ito'y nasaksihan ng mga tao sa malalayong lupain, at nanginginig sila sa takot; kaya silang lahat ay lumapit sa akin at sumamba. Sila-sila ay nagtutulungan at nagpapayuhan, ‘Huwag kayong matakot.’ Sinabi ng mga karpintero sa mga panday-ginto, ‘Magandang trabaho!’ Hinangaan ng mga gumagawa ng rebulto ang mga nagkabit-kabit nito, at ang sabi, ‘Mahusay ang pagkahinang’; pagkatapos ay ipinako ang rebulto sa patungan nito. “Ngunit ikaw, Israel, na aking lingkod lahi ni Abraham na aking kaibigan. Ikaw ang bayang aking hinirang. Ikaw ay kinuha ko sa mga dulo ng daigdig; sa pinakamalalayong sulok nito, sinabi ko sa iyo noon, ‘Ikaw ay aking lingkod.’ Pinili kita at hindi itinakwil. Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Isaias 41:1-10