Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Galacia 3:8-17

Mga Taga-Galacia 3:8-17 MBB05

Bago pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na ipawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya at ang Magandang Balitang ito ay inihayag kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa.” Sumampalataya sa Diyos si Abraham kaya't siya'y pinagpala, at pagpapalain ding tulad niya ang lahat ng nananalig sa Diyos. Ang lahat ng umaasa sa mga gawa ayon sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod at hindi gumagawa ng lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” Malinaw na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang pinawalang-sala ay mabubuhay dahil sa pananampalataya.” Ang Kautusan ay walang kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa lahat ng hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.” Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, “Isinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy.” Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng pananalig sa kanya ay matatanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos. Mga kapatid, narito ang isang pangkaraniwang halimbawa. Kapag nalagdaan na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-kabuluhan ninuman. Hindi rin ito maaaring dagdagan. Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay marami kundi, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo. Ito ang ibig kong sabihin, pinagtibay ng Diyos ang kanyang kasunduan at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang kasunduang iyon ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan na dumating pagkaraan ng 430 taon, ni hindi rin mapapawalang-saysay ng Kautusang ito ang mga pangako ng Diyos.