Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ezekiel 17:11-21

Ezekiel 17:11-21 MBB05

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Itanong mo sa mapaghimagsik na bayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng palaisipang ito. Sabihin mong ang hari ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem. Binihag nito ang hari roon pati ang mga pinuno, at iniuwi sa Babilonia. Kinuha niya ang isa sa mga pinuno at gumawa sila ng kasunduan at pinanumpang magtatapat dito. Binihag niya ang pamunuan ng lupain para hindi ito makabangon laban sa kanya, bagkus ay ganap na tumupad sa mga tuntunin ng kasunduan. Ngunit ang pinunong pinili ng hari ng Babilonia ay naghimagsik at nagsugo sa hari ng Egipto upang humingi ng mga kabayo at maraming kawal. Akala kaya niya'y magtatagumpay siya? Hindi! Makaiwas kaya siya sa parusa kung gawin niya iyon? Hindi! Tiyak na paparusahan ko siya. Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Isinusumpa kong mamamatay siya sa Babilonia, sa lupain ng haring nagluklok sa kanya sa trono. Mamamatay siya pagkat hindi niya pinahalagahan ang kanyang salita. Sumira siya sa kanilang kasunduan. Kahit ang makapal na kawal ng Faraon ay walang magagawa laban sa mga itinayong tore at mga tanggulan upang sila'y wasakin. Hindi siya makakaiwas; sumira siya sa kasunduan at pagkatapos ay hindi tumupad sa pangako.” Ipinapasabi pa ni Yahweh: “Ako ang Diyos na buháy. Paparusahan ko siya sa pagbale-wala niya sa aking sumpa at sa pagsira sa aking tipan. Susukluban ko siya ng lambat at masusuot siya sa kaguluhan. Dadalhin ko siya sa Babilonia upang doon parusahan dahil sa pagtataksil niya sa akin. Ang mga pili niyang tauhan ay mamamatay sa tabak at ang matitira'y ikakalat ko sa lahat ng dako. Kung magkagayo'y maaalala mo na akong si Yahweh ang maysabi nito.”