Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Deuteronomio 13:6-18

Deuteronomio 13:6-18 MBB05

“Sinuman ang lapitan ng kanyang kapatid, anak, asawa, o matalik na kaibigan upang lihim na hikayating sumamba at maglingkod sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, o kaya'y sa diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan ninyo, maging malapit o malayo, huwag ninyo siyang papakinggan. Huwag ninyo siyang kaaawaan, o pagtatakpan. Sa halip, patayin ninyo siya. Ang nilapitan ang unang babato sa kanya, pagkatapos ay ang taong-bayan. Batuhin ninyo siya hanggang mamatay sapagkat hinikayat niya kayong tumalikod kay Yahweh na inyong Diyos at siyang nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto. Kapag ito'y napabalita sa buong Israel, wala nang mangangahas pang gumawa ng ganoon, at magkakaroon ng takot ang lahat. “Kapag nabalitaan ninyo na sa alinman sa mga lunsod na ibinigay sa inyo ni Yahweh ay may manlilinlang, at nanghihikayat sa mga tagaroon upang sumamba at maglingkod sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, siyasatin ninyo itong mabuti. Kapag napatunayan ninyong totoo, patayin ninyong lahat ang tagaroon, maging ang kanilang mga alagang hayop. Ang lahat ng masamsam ninyo roon ay ipunin ninyo sa liwasan at sunugin pati ang buong lunsod upang maging handog kay Yahweh. Ang lugar na iyon ay hahayaan ninyong ganoon at hindi na dapat itayo pang muli. Huwag kayong kukuha ng anumang ipinagbabawal sa inyo para hindi magalit si Yahweh sa inyo. Mahahabag siya sa inyo, at kayo'y kanyang pararamihin, tulad ng pangako niya sa inyong mga ninuno, kung papakinggan ninyo ang tinig ng Diyos ninyong si Yahweh, susundin ang kanyang mga utos, at patuloy na gagawin ang ayon sa kanyang kalooban.