Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Pedro 2:11-24

1 Pedro 2:11-24 MBB05

Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang masasamang hilig ng katawan na naghihimagsik laban sa inyong kaluluwa. Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na pinaparatangan nila kayo ng masama, kapag nakita nila ang inyong mabubuting gawa ay magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang paghuhukom. Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, at sa mga gobernador, na isinugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. Nais ng Diyos na sa pamamagitan ng inyong wastong pamumuhay ay mapatigil ninyo ang mga hangal sa kanilang kamangmangan. Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya. Huwag ninyong gawing panakip sa paggawa ng masama ang kalayaang ito, subalit mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos at may paggalang sa Emperador. Mga alipin, magpasakop kayo sa mga nagmamay-ari sa inyo at igalang ninyo sila, hindi lamang ang mababait kundi pati ang malulupit, sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan. Hindi siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. Nang siya'y insultuhin, hindi siya gumanti. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. Sa kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo'y pinagaling na sa pamamagitan ng kanyang mga sugat.