Ngunit kung ikaw, o ang iyong mga anak, ay tatalikod sa akin at hindi susunod sa aking mga kautusan at batas; kapag kayo'y sumamba at naglingkod sa ibang diyos, palalayasin ko ang bayang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila. Itatakwil ko ang Templong ito na aking itinuring na banal at itinakdang lugar na kung saan ako ay sasambahin. Ang Israel ay pagtatawanan at hahamakin ng lahat ng bansa. Magigiba ang Templong ito, at sinumang mapadaan dito'y mangingilabot at magtataka. Sasabihin nila, ‘Bakit ginawa ito ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ At ganito ang isasagot ng mga tao: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang kanilang Diyos na nagligtas sa kanilang mga ninuno mula sa pagkaalipin sa Egipto. Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga diyos kaya pinabayaan sila ni Yahweh na mapahamak.’” Dalawampung taon ang nagugol ni Solomon sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. Si Hiram, hari ng Tiro, ang nagpadala ng mga kahoy na sedar at sipres at ginto na ginamit para doon. Dahil dito, siya'y binigyan ni Solomon ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea bilang kapalit. Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na bigay sa kanya ni Solomon, hindi siya lubos na nasiyahan. Kaya nasabi niya, “Kapatid, bakit naman ganito ang mga lunsod na ibinigay mo sa akin?” Kaya't tinawag na Lupa ng Cabul ang mga lunsod na iyon hanggang ngayon. Nagpadala si Hiram kay Solomon ng 4,200 kilong ginto. Gumamit si Haring Solomon ng sapilitang pagtatrabaho upang maipatayo ang Templo ni Yahweh at ang kanyang palasyo, at upang patatagin ang Millo at ang mga pader ng Jerusalem, Hazor, Megido at Gezer. Ang Gezer ay dating lunsod ng mga Cananeo na sinalakay at sinakop ng Faraon, hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinatay ang mga tagaroon. Pagkatapos, ibinigay ng Faraon ang lunsod na ito kay Solomon bilang dote ng kanyang anak na naging reyna ni Solomon. Ngunit ito'y muling ipinatayo ni Solomon. Ipinagawa rin niya ang Beth-horon sa Timog, ang Baalat, ang Tadmor sa ilang at ang mga lunsod at bayang himpilan ng kanyang mga kabayo at karwahe. Ipinagpatuloy niya ang lahat niyang binalak ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing kanyang sakop. Sapilitang pinapagtrabaho ni Solomon ang mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo na nakatira pa sa lupain. Ito ang mga anak at apo ng mga nakaligtas nang iutos ni Yahweh sa mga Israelita na lipulin ang lahat ng lahi na daratnan nila sa lupain ng Canaan.
Basahin 1 Mga Hari 9
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 1 Mga Hari 9:6-21
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas