Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 19:2-9

1 Mga Hari 19:2-9 MBB05

Kaya't nagpadala si Jezebel ng isang sugo upang sabihin kay Elias, “Patayin sana ako ng mga diyos kung hindi ko gagawin sa iyo sa ganito ring oras ang ginawa mo sa mga propeta.” Natakot si Elias na mamatay, kaya't umalis siya at nagpunta sa Beer-seba, sa lupain ng Juda, kasama ang kanyang utusan. Iniwan niya roon ang kanyang utusan at mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno at nanalangin nang ganito: “Yahweh, kunin na po ninyo ako. Ako po'y hirap na hirap na. Mabuti pa pong mamatay na ako.” Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya nito at ang sabi, “Gising na at kumain ka!” Nang siya'y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang lalagyan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga muli. Ngunit bumalik ang anghel ni Yahweh, ginising siya muli at sinabi, “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.” Kumain nga siyang muli at uminom. At ang pagkaing iyo'y nagbigay sa kanya ng sapat na lakas upang maglakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Sinai, ang Bundok ng Diyos. Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano'y nagsalita sa kanya si Yahweh, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”