Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ruth 2:14-23

Ruth 2:14-23 ASND

Nang oras na para kumain, sinabi ni Boaz kay Ruth, “Halika, kumuha ka ng pagkain at isawsaw mo sa suka.” Kaya naupo si Ruth kasama ng mga tagapag-ani, at inabutan siya ni Boaz ng binusa na trigo. Kumain siya hanggang sa nabusog, at may natira pa siya. Nang tumayo na si Ruth para mamulot ulit ng mga nalaglag na uhay, nag-utos si Boaz sa mga tauhan niya, “Huwag ninyong hihiyain si Ruth kahit mamulot pa siya malapit sa mga binigkis na uhay. Kumuha kayo ng mga uhay sa mga binigkis at iwan para sa kanya, at huwag nʼyo siyang sasawayin.” Kaya namulot si Ruth ng mga nalaglag na uhay hanggang sa lumubog ang araw. At nang magiik na niya ang naipon niyang sebada ay umabot ito ng mga kalahating sako. Dinala niya ito pauwi sa bayan at ipinakita sa kanyang biyenan na si Naomi. Pagkatapos kinuha niya ang natira niyang pagkain at ibinigay kay Naomi. Nagtanong si Naomi sa kanya, “Saan ka namulot ng mga nalaglag na uhay kanina? Kaninong bukirin? Pagpalain nawa ang taong nagmagandang-loob sa iyo!” Ikinuwento ni Ruth kay Naomi na doon siya namulot sa bukid ng taong ang pangalan ay Boaz. Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Pagpalain nawa ng PANGINOON si Boaz. Ipinapakita niya ang kanyang kabutihan sa mga taong buhay pa at sa mga patay na.” At sinabi pa niya, “Si Boaz na sinasabi mo ay malapit nating kamag-anak; isa siya sa may tungkuling mangalaga sa atin.” Sinabi ni Ruth kay Naomi, “Sinabi pa po ni Boaz sa akin na sa mga tauhan lang niya ako sumama sa pamumulot hanggang matapos ang lahat ng mga aanihin niya.” Sinabi naman ni Naomi kay Ruth, “Anak, mabuti nga na sa mga utusan niyang babae ka sumama, dahil baka kung ano pa ang mangyari sa iyo sa ibang bukid.” Kaya sumama si Ruth sa mga utusang babae ni Boaz sa pamumulot ng mga nalaglag na uhay hanggang sa matapos ang anihan ng sebada at trigo. At patuloy siyang nanirahan kasama ng biyenan niya.