Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ruth 1:1-10

Ruth 1:1-10 ASND

Noong panahon na hindi pa mga hari ang namumuno sa Israel, nagkaroon ng taggutom sa lupaing ito. Kaya si Elimelec na taga-Betlehem na sakop ng Juda ay pumunta sa Moab kasama ang asawa at dalawang anak niyang lalaki, para roon muna manirahan. Ang pangalan ng asawa niya ay Naomi at ang dalawang anak nila ay sina Mahlon at Kilion. Mga angkan sila ni Efrata na taga-Betlehem. Habang naroon sila sa Moab, namatay si Elimelec, kaya si Naomi at ang dalawa niyang anak na lalaki ang naiwan. Nag-asawa ang mga anak niya ng mga Moabita. Ang pangalan ng isa ay Orpah at Ruth naman ang isa. Pagkalipas ng mga sampung taon, namatay sina Mahlon at Kilion, kaya si Naomi na lang ang naiwan. Nang mabalitaan ni Naomi na pinagpala ng PANGINOON ang bayan niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mabuting ani, naghanda siya at ang mga manugang niya para bumalik sa Juda. At habang naglalakbay na sila pabalik sa Juda, sinabi ni Naomi sa dalawang manugang niya, “Bumalik na lang kayo sa inyong ina. Pagpalain nawa kayo ng PANGINOON sa mabuti ninyong pakikitungo sa mga yumao ninyong asawa at sa akin. At loobin sana ng PANGINOON na makapag-asawa kayong muli para magkaroon kayo ng maayos na kalagayan sa panibagong tahanan.” Pagkatapos, hinalikan sila ni Naomi. Humagulgol sila at sinabi sa kanya, “Sasama kami sa inyo sa pagbalik nʼyo sa kababayan ninyo.”