Habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang isang namumuno ng sambahan ng mga Judio. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, “Kamamatay lang po ng anak kong babae, pero kung pupuntahan nʼyo siya at ipapatong ang inyong kamay sa kanya, mabubuhay siyang muli.” Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na rin ang mga tagasunod niya. Habang naglalakad sila, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babae na 12 taon nang dinudugo, at hinipo niya ang laylayan ng damit ni Jesus. Sapagkat sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling na ako.” Lumingon si Jesus at pagkakita sa babae ay sinabi, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang babae nang sandaling iyon.
Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta sa libing at ang maraming taong nagkakaingay. Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang siya.” Pinagtawanan nila si Jesus. Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus at hinawakan sa kamay ang bata, at bumangon ito. Kumalat ang balitang ito sa buong lugar na iyon.
Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na sumisigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa amin!” Pagdating ni Jesus sa bahay na kanyang tutuluyan, lumapit sa kanya ang mga bulag na lalaki. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na kaya ko kayong pagalingin?” Sumagot sila, “Opo, Panginoon.” At hinipo ni Jesus ang mga mata nila, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” At nakakita nga ang dalawa. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nila itong sasabihin kaninuman. Pero umalis ang dalawa at ibinalita nila sa buong lugar na iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.
Habang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. Pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu, at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao at sinabi, “Kailanman ay hindi pa nangyari ang ganito sa buong Israel.” Pero sinabi ng mga Pariseo, “Ang pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.”
Nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon, at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio. Ipinahayag niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila, dahil napakarami ng kanilang mga problema pero wala man lang tumutulong sa kanila. Para silang mga tupang walang pastol. Kaya sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Marami ang aanihin, pero kakaunti ang tagapag-ani. Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani.”