Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 26:36-45

Mateo 26:36-45 ASD

Pagkatapos, pumunta si Hesus kasama ang mga alagad niya sa lugar na kung tawagin ay Getsemani. Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Maupo muna kayo rito. Pupunta ako sa banda roon para manalangin.” Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghinagpis nang lubos si Hesus, at sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at samahan ninyo akong magbantay.” Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa at nanalangin, “Aking Ama, kung maaari po ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban ninyo.” Binalikan ni Hesus ang kanyang mga alagad at dinatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba talaga kayo makapagbantay kasama ko kahit isang oras lang? Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espirituʼy handang sumunod, ngunit mahina ang laman.” Lumayong muli si Hesus at nanalangin, “Aking Ama, kung kinakailangang daanan ko ang paghihirap na ito, nawaʼy masunod ang kalooban ninyo.” Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga alagad niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. Lumayo ulit si Hesus sa ikatlong pagkakataon at nanalangin tulad ng nauna niyang panalangin. Binalikan niya ang mga alagad niya at sinabi, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo! Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga makasalanan.