Tinawag ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng 12 apostol: si Simon (na kung tawagin ay Pedro), na siyang nangunguna sa kanila, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago at si Juan na mga anak ni Zebedee, si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, si Simon na makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.
Sinugo ni Jesus ang 12 tagasunod niya at pinagbilinan, “Huwag kayong pumunta sa mga lugar ng mga hindi Judio o sa alin mang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, puntahan ninyo ang mga Israelita na parang mga nawawalang tupa. Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na ang paghahari ng Dios. Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin ang mga patay, pagalingin ang mga may malubhang sakit sa balat para maituring silang malinis, at palayasin ang masasamang espiritu. Tinanggap ninyo ang kapangyarihang ito nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad. Huwag kayong magbaon ng pera, o kayaʼy magdala ng bag, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay dapat lang na suportahan sa mga pangangailangan niya.
“Sa alin mang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay, at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. Sa pagpasok ninyo sa tahanang iyon, pagpalain ninyo ang lahat ng nakatira roon. Kung talagang tinatanggap nila kayo, pagpalain ninyo sila. Ngunit kung hindi, huwag nʼyo silang pagpalain. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom at Gomora.”
“Tandaan ninyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayo gaya ng mga ahas, at kasing-amo ng mga kalapati. Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadakpin nila kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sambahan. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo iyon para magpatotoo sa kanila at sa mga hindi Judio ng tungkol sa akin. At kapag dinala kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano kayo sasagot, dahil ibibigay ng Dios sa inyo sa sandaling iyon ang sasabihin ninyo. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama. Siya ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”
“Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas Kapag inuusig kayo sa isang bayan, pumunta kayo sa ibang bayan. Dahil ang totoo, hindi pa man ninyo nalilibot ang lahat ng bayan ng Israel, ako na Anak ng Tao ay babalik na.
“Walang mag-aaral na mas higit sa kanyang guro, at walang aliping mas higit sa kanyang amo. Sapat na sa isang mag-aaral na maging katulad ng kanyang guro, at sa alipin na maging katulad ng kanyang amo. Kung akong pinuno ninyo ay tinatawag nilang Satanas, gaano pa kaya kasama ang itatawag nila sa inyong mga tagasunod ko?”
“Kaya huwag kayong matakot sa mga tao. Sapagkat walang natatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag. Ang mga bagay na sa inyo ko lang sinasabi ay sabihin ninyo sa lahat, at ang mga ibinubulong ko sa inyo ay ipamalita ninyo sa mga tao. Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, pero hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Dios, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impyerno. Hindi baʼt napakamura ng halaga ng dalawang maya? Pero wala ni isa man sa kanila ang nahuhulog sa lupa nang hindi ayon sa kagustuhan ng inyong Ama. Mas lalo na kayo, maging ang bilang ng inyong mga buhok ay alam niya. Kaya huwag kayong matakot, dahil mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”
“Ang sinumang kumikilala sa akin bilang Panginoon sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Amang nasa langit.”
“Huwag ninyong isipin na naparito ako sa lupa upang magkaroon nang maayos na relasyon ang mga tao. Naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan. Dahil sa akin, kokontrahin ng anak na lalaki ang kanyang ama, at kokontrahin ng anak na babae ang kanyang ina. Ganoon din ang gagawin ng manugang na babae sa kanyang biyenang babae. Ang magiging kaaway ng isang tao ay ang sarili niyang sambahayan.
“Ang nagmamahal sa kanyang mga magulang ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang nagmamahal sa kanyang anak ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”
“Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa kanyang pagkapropeta ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa isang propeta. At ang tumatanggap sa matuwid na tao dahil sa kanyang pagkamatuwid ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa matuwid na tao. At ang sinumang magbibigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa pinakahamak kong tagasunod ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”