Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 6:1-11

Lucas 6:1-11 ASND

Isang Araw ng Pamamahinga, napadaan sina Jesus sa triguhan. Namitas ng trigo ang mga tagasunod niya at niligis ito sa mga kamay nila, at pagkatapos ay kinain ang mga butil. Kaya sinabi ng ilang Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? Pumasok siya sa bahay ng Dios at kumuha ng tinapay na inihandog sa Dios at kinain ito. Binigyan din niya ang mga kasamahan niya. Hindi sila nagkasala, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain niyon.” At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.” Nang isa pang Araw ng Pamamahinga, pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio at nangaral. May isang lalaki roon na paralisado ang kanang kamay. Binantayang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo si Jesus kung magpapagaling siya sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Tumayo ka at lumapit dito sa harapan.” Lumapit nga ang lalaki at tumayo sa harapan. Pagkatapos, sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Tiningnan silang lahat ni Jesus, at pagkatapos ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kamay niya at gumaling ito. Pero galit na galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kaya pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin kay Jesus.