Bumalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kumalat sa lahat ng lugar doon ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa mga sambahan ng mga Judio, at pinuri siya ng lahat. Umuwi si Jesus sa Nazaret, sa bayang kinalakihan niya. At katulad ng nakaugalian niya, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng Kasulatan. Ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito at pagkakita sa bahagi ng Kasulatan na kanyang hinahanap, binasa niya ito na nagsasabing: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, dahil pinili niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na malaya na sila, at sa mga bulag na makakakita na sila. Sinugo rin niya ako upang palayain ang mga inaapi, at ipahayag na dumating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.” Pagkatapos, ibinilot ni Jesus ang Kasulatan at isinauli sa tagapag-ingat nito. Umupo siya para magsimulang mangaral. Nakatingin sa kanya ang lahat ng naroon. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat at humanga sa napakaganda niyang pananalita. Sinabi nila, “Hindi baʼt anak lang siya ni Jose?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili,’ na ang ibig sabihin, ‘Gawin mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga nababalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ ” Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan. Alalahanin ninyo ang nangyari noong panahon ni Propeta Elias. Hindi nagpaulan ang Dios sa loob ng tatlo at kalahating taon, at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Maraming biyuda sa Israel noon, pero hindi pinapunta ng Dios si Elias sa kaninuman sa kanila kundi sa isang biyuda na hindi Judio sa Zarefat na sakop ng Sidon. Ganyan din ang nangyari noong panahon ni propeta Eliseo. Maraming tao sa Israel ang may malubhang sakit sa balat, ngunit walang pinagaling ni isa man sa kanila si Eliseo. Sa halip, si Naaman pa na taga-Syria ang pinagaling niya.” Nagalit ang mga taong naroon sa sambahan nang marinig nila ito. Nagtayuan sila at ipinagtabuyan si Jesus palabas ng bayan, at dinala malapit sa gilid ng burol, na kinatatayuan ng kanilang bayan, para ihulog siya sa bangin. Pero dumaan siya sa kalagitnaan nila at iniwan sila.
Basahin Lucas 4
Makinig sa Lucas 4
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Lucas 4:14-30
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas