Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 23:1-43

Lucas 23:1-43 ASND

Pagkatapos noon, tumayo silang lahat at dinala nila si Jesus kay Pilato. At sinabi nila ang mga paratang nila laban kay Jesus: “Nahuli namin ang taong ito na sinusulsulan niya ang mga kababayan namin na maghimagsik. Ipinagbabawal niya ang pagbabayad ng buwis sa Emperador, at sinasabi niyang siya raw ang Cristo, na isang hari!” Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsasabi.” Sinabi ni Pilato sa mga namamahalang pari at sa mga tao, “Wala akong nakitang kasalanan sa taong ito!” Pero mapilit sila at sinabing, “Ginugulo niya ang mga tao sa buong Judea sa pamamagitan ng mga turo niya. Nagsimula siya sa Galilea at narito na siya ngayon sa Jerusalem.” Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Jesus. At nang malaman niyang mula nga siya sa Galilea, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem noon, dahil sakop nito ang Galilea. Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus dahil matagal na niya itong gustong makita, dahil sa mga nababalitaan niya at gusto niyang makita si Jesus na gumagawa ng mga himala. Marami siyang itinanong kay Jesus, pero hindi ito sumagot. Samantala, patuloy na isinisigaw ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang mga paratang nila laban kay Jesus. Hinamak at ininsulto ni Herodes at ng mga sundalo niya si Jesus. Sinuotan nila siya ng magandang damit bilang pagkutya sa kanya, at saka ibinalik kay Pilato. At nang araw ding iyon ay naging magkaibigan ang dating magkaaway na sina Herodes at Pilato. Ipinatawag ni Pilato ang mga namamahalang pari, mga tagapamahala ng bayan at ang mga tao, at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na ayon sa inyo ay nanunulsol sa mga tao upang maghimagsik. Inimbestigahan ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong hindi totoo ang mga paratang nʼyo laban sa kanya. Ganoon din ang napatunayan ni Herodes kaya ipinabalik niya si Jesus dito sa akin. Wala siyang nagawang kasalanan upang parusahan ng kamatayan. Kaya ipahahagupit ko na lang siya at palalayain.” [Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo.] Pero sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan, at palayain si Barabas!” (Si Barabas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik sa Jerusalem at pagpatay.) Muling nagsalita si Pilato sa mga tao dahil gusto niyang palayain si Jesus. Pero patuloy ang pagsigaw ng mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Sa ikatlong pagkakataon ay nagsalita si Pilato sa kanila, “Bakit, anong kasalanan ang ginawa niya? Wala akong nakikitang kasalanan sa kanya para ipapatay siya. Kaya ipahahagupit ko na lang siya at saka palalayain!” Pero lalo nilang iginigiit at ipinagsisigawan na ipako siya sa krus. Sa wakas ay nanaig din sila. Kaya pinagbigyan ni Pilato ang kahilingan ng mga tao na ipako sa krus si Jesus. At ayon din sa kahilingan nila, pinalaya niya si Barabas, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay. Pero ibinigay niya si Jesus sa kanila para gawin ang gusto nila. Nang dinadala na ng mga sundalo si Jesus sa lugar na pagpapakuan sa kanya, nasalubong nila si Simon na taga-Cyrene na kagagaling lang sa bukid. Dinakip nila ito, at sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Jesus. Sinusundan si Jesus ng napakaraming tao, kabilang ang mga babaeng umiiyak at nananaghoy dahil naaawa sila sa kanya. Pero lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Kayong mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang iyakan ninyo ay ang mga sarili ninyo at ang inyong mga anak. Sapagkat darating ang mga araw na sasabihin ng mga tao, ‘Mapalad ang mga babaeng walang anak at walang pinasususong sanggol.’ Sa mga araw na iyon ay sasabihin ng mga tao sa mga bundok at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sapagkat kung ginawa nila ito sa akin na walang kasalanan, ano pa kaya sa mga taong may kasalanan?” Dalawa pang kriminal ang dinala nila upang pataying kasama ni Jesus. Pagdating nila sa lugar na tinatawag na “Bungo,” ipinako nila sa krus si Jesus at ang dalawang kriminal, ang isa ay sa kanan ni Jesus at ang isa ay sa kaliwa. [Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] Nagpalabunutan ang mga sundalo para paghahati-hatian ang mga damit ni Jesus. Habang nakatayo ang mga tao roon at nanonood, iniinsulto ng mga tagapamahala ng bayan si Jesus. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga talaga ang Cristong pinili ng Dios!” Ininsulto rin siya ng mga sundalo at binigyan ng maasim na alak, at sinabi pa nila sa kanya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!” May karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Ito ang Hari ng mga Judio.” Ininsulto rin si Jesus ng isa sa mga kriminal sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang sarili mo, pati na kami!” Pero sinaway siya ng isa pang kriminal na nakapako, “Hindi ka ba natatakot sa Dios? Ikaw man ay pinaparusahan din ng kamatayan. Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!” Pagkatapos ay sinabi niya, “Jesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo.” Sumagot si Jesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.”