Lucas 2:1-11
Lucas 2:1-11 ASD
Sa mga panahong iyon, ang Emperador ng Roma na si Augusto ay gumawa ng kautusan na dapat magpatala ang lahat ng mamamayan ng bansang nasasakupan niya. (Ito ang kauna-unahang sensus na naganap nang si Cirenio ang gobernador ng lalawigan ng Siria.) Kaya umuwi ang lahat ng tao sa sarili nilang bayan upang magpalista. Dahil si Jose ay nagmula sa angkan ni Haring David, naglakbay siya mula sa Nazaret na sakop ng Galilea at umuwi sa Bethlehem sa lalawigan ng Judea, sa bayang sinilangan ni David. Kasama niya sa pagpapalista ang magiging asawa niyang si Maria, na nooʼy malapit nang manganak. At habang naroon sila sa Bethlehem, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang kanyang panganay na lalaki, binalot ito ng lampin, at inihiga sa sabsaban, dahil wala nang lugar para sa kanila sa mga bahay-panuluyan. Sa gabi ding iyon, may mga pastol sa parang na malapit sa Bethlehem na nagbabantay ng kanilang mga kawan ng tupa. Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at napaligiran sila ng nagniningning na kaluwalhatian ng Panginoon. Lubha silang natakot ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot dahil naparito ako para sabihin sa inyo ang magandang balita na magbibigay ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Mesias na siyang Panginoon.





