Nagsalita ang PANGINOON kay Jonas na anak ni Amitai. Sinabi niya, “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at bigyan mo ng babala ang mga taga-roon, dahil umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasamaan.” Pero tumakas agad sa PANGINOON si Jonas at nagpasyang pumunta sa Tarshish. Pumunta siya sa Jopa at nakakita siya roon ng barkong paalis papuntang Tarshish. Kaya nagbayad siya ng pamasahe at sumakay sa barko kasama ng mga tripulante at ng iba pang mga pasahero upang tumakas sa PANGINOON.
Nang nasa laot na sila, nagpadala ang PANGINOON ng napakalakas na hangin at halos mawasak na ang barko. Kaya natakot ang mga tripulante, at ang bawat isa sa kanila ay humingi ng tulong sa kani-kanilang dios. Itinapon nila ang kanilang mga kargamento sa dagat para gumaan ang barko.
Si Jonas naman ay nakababa na noon sa ilalim na bahagi ng barko, humiga siya at nakatulog nang mahimbing. Pinuntahan siya ng kapitan ng barko at sinabi sa kanya, “Nagagawa mo pang matulog sa ganitong kalagayan? Bumangon ka at humingi ng tulong sa iyong dios! Baka sakaling maawa siya sa atin, at iligtas niya tayo sa kamatayan.”
Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magpalabunutan na lang tayo upang malaman natin kung sino ang dahilan ng pagdating ng sakunang ito sa atin.” At nang magpalabunutan na sila, nabunot ang pangalan ni Jonas. Kaya kinausap nila siya, “Gusto naming malaman kung sino ang dahilan ng pagdating ng sakunang ito. Sabihin mo kung ano ang iyong hanapbuhay at kung saan ka nanggaling. Sabihin mo rin sa amin kung taga-saan ka at anong lahi mo.” Sumagot si Jonas, “Ako ay Hebreo at sumasamba sa PANGINOON, ang Dios sa langit na lumikha ng dagat at ng lupa.” Kaya lubhang natakot ang mga tripulante, dahil sinabi na sa kanila ni Jonas na tumatakas siya sa PANGINOON. Sinabi nila sa kanya, “Ano itong ginawa mo!”
At nang lalo pang lumakas ang hangin, sinabi ng mga tripulante kay Jonas, “Ano ang gagawin namin sa iyo para kumalma ang dagat at nang makaligtas kami sa kapahamakan?” Sumagot si Jonas sa kanila, “Buhatin ninyo ako at ihagis sa dagat, at kakalma ito. Sapagkat alam kong ako ang dahilan kung bakit dumating ang napalakas na hangin na ito.” Hindi nila sinunod si Jonas, sa halip, sinikap ng mga tripulante na sumagwan papunta sa dalampasigan, pero nahirapan sila dahil lalo pang lumakas ang hangin. Kaya tumawag sila sa PANGINOON. Sinabi nila, “O PANGINOON, nakikiusap po kami sa inyo, huwag nʼyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin kay Jonas. Huwag po ninyo kaming singilin sa aming pagpatay sa kanya na hindi pa naman namin natitiyak kung siya nga ay nagkasala. Pero alam po namin na ang mga nangyayaring ito ay ayon sa inyong kalooban.” Kaya binuhat nila si Jonas at inihagis sa nagngangalit na dagat, at kumalma nga ito. Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng malaking paggalang ang mga tao sa PANGINOON. Kaya naghandog sila at nangakong ipagpapatuloy ang paglilingkod at paghahandog sa kanya.
Samantala, nagpadala ang PANGINOON ng isang malaking isda para lunukin si Jonas. Tatlong araw at tatlong gabi siya sa tiyan ng isda.