Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 5:19-47

Juan 5:19-47 ASND

Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako na Anak ng Dios ay walang magagawa kung sa sarili ko lang, kundi ginagawa ko lang ang nakikita ko na ginagawa ng aking Ama. Kaya kung ano ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ko bilang Anak. Minamahal ng Ama ang Anak, kaya ipinapakita niya sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga bagay na ito ang mga gawaing ipapakita niya sa akin na gagawin ko para mamangha kayo. Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay ang mga ito, ganoon din naman, binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang gusto niyang bigyan nito. Hindi ang Ama ang hahatol sa mga tao kundi ako na kanyang Anak, dahil ibinigay niya sa akin ang lahat ng kapangyarihang humatol, upang parangalan ng lahat ang Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Kaya, ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya. “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumusunod sa aking mga salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan sapagkat inilipat na nga siya sa buhay mula sa kamatayan. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang panahon, at dumating na nga, na maririnig ng mga patay ang salita ng Anak ng Dios, at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. May kapangyarihan ang Ama na magbigay ng buhay. Ganoon din naman, may kapangyarihan ako na kanyang Anak na magbigay ng buhay, dahil binigyan niya ako ng kapangyarihang ito. Ibinigay din niya sa akin ang kapangyarihang humatol dahil ako ang Anak ng Tao. Huwag kayong magtaka tungkol dito, dahil darating ang panahon na maririnig ng lahat ng patay ang aking salita, at babangon sila mula sa kanilang libingan. Ang mga gumawa ng mabuti ay bibigyan ng buhay na walang hanggan, at ang mga gumawa ng masama ay parurusahan.” Sinabi pa ni Jesus, “Wala akong magagawa kung sa sarili ko lang. Humahatol nga ako, ngunit ang aking paghatol ay ayon lamang sa sinasabi ng aking Ama. Kaya makatarungan ang hatol ko dahil hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. Ngayon, kung ako lang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, magduda kayo sa sinasabi ko. Ngunit may isang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong totoo ang kanyang sinasabi. Maging si Juan na tagapagbautismo ay nagpatotoo tungkol sa akin, at sinabi niya sa inyo ang katotohanan nang magsugo kayo ng ilang tao upang tanungin siya. Binanggit ko ang tungkol kay Juan, hindi dahil sa kailangan ko ang patotoo ng isang tao, kundi upang sumampalataya kayo sa akin at maligtas. Si Juan ay tulad ng isang ilaw na nagliliwanag, at lubos kayong nasiyahan sa liwanag niya sa inyo kahit saglit lang. Ngunit may nagpapatotoo pa tungkol sa akin na higit pa kay Juan. Itoʼy walang iba kundi ang mga ipinapagawa sa akin ng Ama. Ito ang nagpapatunay na ang Ama ang nagsugo sa akin. At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanman ay hindi nʼyo narinig ang tinig niya o nakita ang anyo niya. At hindi nʼyo tinanggap ang kanyang salita dahil hindi kayo sumasampalataya sa akin na kanyang sugo. Sinasaliksik nʼyo ang Kasulatan sa pag-aakala na sa pamamagitan nitoʼy magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang Kasulatan mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin, pero ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. “Hindi ko hinahangad ang papuri ng mga tao. Kilala ko talaga kayo at alam kong wala sa mga puso ninyo ang pagmamahal sa Dios. Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, ngunit ayaw ninyo akong tanggapin. Pero kung may dumating sa sarili niyang pangalan ay tinatanggap ninyo siya. Paano kayo sasampalataya sa akin kung ang papuri lang ng kapwa ang hangad ninyo, at hindi ang papuri ng nag-iisang Dios? Huwag ninyong isipin na ako ang mag-aakusa sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises na inaasahan ninyo ang siyang mag-aakusa sa inyo. Dahil kung totoong naniniwala kayo kay Moises, maniniwala rin kayo sa akin, dahil si Moises mismo ay sumulat tungkol sa akin. Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”

Kaugnay na Video