Tumuloy naman ang mga tagasunod niya sa bayan upang bumili ng pagkain. Habang nakaupo si Jesus, dumating ang isang babaeng taga-Samaria para umigib. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede bang makiinom?” Sumagot ang babae, “Kayo po ay isang Judio at ako ay Samaritano, at babae pa. Bakit po kayo makikiinom sa akin?” (Sinabi niya ito dahil hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano.) Sinabi ni Jesus sa babae, “Kung alam mo lang ang ipinagkakaloob ng Dios, at kung sino ang nakikiinom sa iyo, baka ikaw pa ang manghingi sa akin para bigyan kita ng tubig na nagbibigay-buhay.” Sinabi ng babae, “Malalim po ang balon at wala kayong pang-igib. Saan po kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Higit pa po ba kayo sa ating ninuno na si Jacob na humukay ng balong ito? Siya at ang mga anak niya, pati ang mga hayop niya ay dito umiinom noong araw.” Sumagot si Jesus, “Ang lahat ng umiinom ng tubig na itoʼy muling mauuhaw, pero ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Dahil ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan.” Sinabi ng babae, “Bigyan nʼyo po ako ng tubig na sinasabi nʼyo upang hindi na ako muling mauhaw at hindi ko na kailangan pang pumarito para umigib.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umuwi ka muna at isama mo rito ang iyong asawa.” “Wala po akong asawa,” sagot ng babae. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sinabi mo na wala kang asawa, dahil lima na ang naging asawa mo, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo tunay na asawa. Nagsasabi ka nga ng totoo.” Sumagot ang babae, “Sa tingin ko, isa po kayong propeta. Ang aming mga ninuno ay sumamba sa Dios sa bundok na ito, pero kayong mga Judio ay nagsasabi na sa Jerusalem lang dapat sumamba ang mga tao.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maniwala ka sa akin; darating ang panahon na hindi na kayo sasamba sa Ama sa bundok na ito o sa Jerusalem. Kayo na mga Samaritano ay hindi nakakakilala sa sinasamba ninyo. Ngunit kilala naming mga Judio ang aming sinasamba, dahil sa pamamagitan namin ay ililigtas ng Dios ang mga tao. Tandaan mo, darating ang panahon, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan. Ganito ang uri ng mga sumasamba na hinahanap ng Ama. Ang Dios ay espiritu, kaya ang sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan.”
Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesias na tinatawag ding Cristo. At pagdating niya, ipapaliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Akong nagsasalita sa iyo ngayon ang tinutukoy mo.”
Nang sandaling iyon, dumating ang mga tagasunod ni Jesus. Nagtaka sila nang madatnan nilang nakikipag-usap siya sa isang babae. Pero wala ni isa man sa kanila ang nagtanong kung ano ang kailangan niya, at hindi rin sila nagtanong kay Jesus kung bakit nakikipag-usap siya sa babae.
Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga taga-roon, “Halikayo! Ipapakita ko sa inyo ang taong alam na alam ang lahat ng ginawa ko! Maaaring siya na nga ang Cristo.” Kaya pinuntahan ng mga tao si Jesus.