Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 19:4-14

Juan 19:4-14 ASD

Muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga naroon, “Makinig kayo! Ihaharap ko siyang muli sa inyo. Gusto kong malaman nʼyo na wala akong nakitang kasalanan sa kanya!” Nang lumabas si Hesus, suot ang koronang tinik at ang kulay ubeng kapa, sinabi ni Pilato, “Tingnan nʼyo siya!” Nang makita si Hesus ng mga namamahalang pari at ng mga guwardiya ng Templo, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Ngunit sumagot si Pilato, “Kayo ang kumuha sa kanya at magpako sa krus, dahil kung sa akin lang ay wala akong makitang kasalanan sa kanya.” Sumagot ang mga pinuno ng mga Hudyo, “May batas kami. At ayon dito, dapat siyang mamatay dahil sinasabi niyang Anak siya ng Diyos.” Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa siyang natakot. Kaya muli niyang dinala si Hesus sa loob ng palasyo at tinanong, “Taga-saan ka ba?” Ngunit hindi sumagot si Hesus. Kaya sinabi ni Pilato, “Bakit ayaw mo akong sagutin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?” Sumagot si Hesus, “Wala kang maaaring gawin sa akin kung hindi ka binigyan ng Diyos ng kapangyarihan. Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagdala sa akin dito sa iyo.” Nang marinig ito ni Pilato, muli niyang sinikap na mapalaya si Hesus. Ngunit nagsigawan ang mga pinuno ng mga Hudyo, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Sapagkat ang sinumang nagsasabing hari siya ay sumasalungat sa Emperador.” Nang marinig ito ni Pilato, inilabas niya si Hesus sa palasyo. Pagkatapos, umupo siya sa upuan ng tagahatol, sa lugar na kung tawagin ay Batong Plataporma (na sa wikang Arameo ay Gabatha). Bandang tanghali na noon ng bisperas ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Sinabi ni Pilato sa mga tao, “Narito ang hari ninyo!”