Anim na araw bago dumating ang Pista ng Paglampas ng Anghel, pumunta si Jesus sa Betania, kung saan nakatira si Lazarus na muli niyang binuhay. Kaya naghanda sila roon ng hapunan para kay Jesus. Si Lazarus ay isa sa kasalo ni Jesus sa pagkain. Si Marta ang nagsilbi sa kanila. Kumuha si Maria ng kalahating litro ng purong pabango na gawa sa halamang nardo na mamahaling pabango. Ibinuhos niya ito sa paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak ang pabango sa buong bahay. Ang isa sa mga tagasunod ni Jesus na naroon ay si Judas Iscariote na magtatraydor sa kanya. Sinabi ni Judas, “Isang taon na sweldo ang halaga ng pabangong iyan. Bakit hindi na lang iyan ipinagbili, at ibigay sa mahihirap ang pera?” Sinabi niya ito, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga mahihirap kundi dahil isa siyang magnanakaw. Bilang tagapag-ingat ng pera nila, madalas niya itong kinukupitan. Pero sinabi ni Jesus, “Hayaan mo siya. Ibinuhos niya ito sa katawan ko bilang paghahanda sa aking libing. Lagi nʼyong nakakasama ang mga mahihirap, pero akoʼy hindi nʼyo laging makakasama.” Maraming Judio ang nakabalita na nasa Betania si Jesus. Kaya nagpuntahan sila roon, hindi lang dahil kay Jesus kundi upang makita rin si Lazarus na muli niyang binuhay. Kaya binalak din ng mga namamahalang pari na ipapatay si Lazarus, dahil siya ang dahilan kaya maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus. Kinabukasan, nabalitaan ng maraming tao na dumalo sa pista na papunta si Jesus sa Jerusalem. Kaya kumuha sila ng mga palaspas at sinalubong si Jesus. Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios! Pagpalain ang dumarating na ito sa pangalan ng Panginoon. Pagpalain ang Hari ng Israel!” Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nakasaad sa Kasulatan, “Huwag kayong matakot, mga taga-Zion! Makinig kayo! Paparating na ang inyong Hari na nakasakay sa isang batang asno!” Hindi pa naiintindihan noon ng mga tagasunod ni Jesus ang ginawang iyon ng mga tao. Pero nang makabalik na si Jesus sa langit, saka lang nila naintindihan na iyon ang nakasaad sa Kasulatan. Marami ang nakasaksi nang muling buhayin ni Jesus si Lazarus. At ipinamalita nila ang pangyayaring ito. Kaya marami ang sumalubong kay Jesus, dahil nabalitaan nila ang ginawa niyang himala. Dahil dito, nag-usap-usap ang mga Pariseo, “Tingnan ninyo, sumusunod na sa kanya ang lahat ng tao, at wala tayong magawa!”
Basahin Juan 12
Makinig sa Juan 12
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Juan 12:1-19
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas