Mga Hukom 7:7-22
Mga Hukom 7:7-22 ASD
Sinabi ng PANGINOON kay Gideon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang taong ito ay ililigtas ko kayo at pagtatagumpayin sa mga Midianita. Ang iba naman ay pauwiin mo na sa kani-kanilang lugar.” Kaya pinauwi nga sila ni Gideon matapos ipaiwan ang mga dala nilang baon at mga trumpeta; pinaiwan din niya ang tatlong daang taong napili. Ang kampo ng mga Midianita ay nasa ibaba lang ng bundok, kung saan sa itaas nito ay naroon sila Gideon. Nang gabing iyon, sinabi ng PANGINOON kay Gideon, “Maghanda ka na! Lusubin nʼyo na ang kampo ng mga Midianita, dahil ipapatalo ko sila sa inyo. Kung natatakot kang lumusob, isama mo ang lingkod mong si Pura at pumunta kayo sa kampo ng mga Midianita, at pakinggan nʼyo kung ano ang sinasabi nila. Tiyak na lalakas ang loob mong lumusob dahil sa maririnig mo.” Kaya pumunta silang dalawa sa hangganan ng kampo ng mga Midianita, kung saan may mga sundalong nagbabantay. Nagkampo sa lambak ang mga Midianita, Amalekita at ang iba pang mga tao sa silangan na parang balang sa dami. Ang mga kamelyo nila ay parang buhangin sa dagat na hindi mabilang. Nang makarating na sina Gideon, may narinig silang dalawang tao na nag-uusap. Sinabi ng isa, “Nanaginip ako na may isang pirasong tinapay na sebada na gumulong papunta sa kampo natin at tumama ito nang malakas sa isang tolda. Pagkatapos, natumba ang tolda at nawasak.” Sumagot ang isa, “Ang panaginip moʼy walang iba kundi ang espada ni Gideon, ang Israelitang anak ni Joas. Pagtatagumpayin siya ng Diyos laban sa mga Midianita at sa ating lahat.” Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, lumuhod siya at nagpuri sa PANGINOON. At bumalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi niya sa kanyang mga kasamahan, “Magsipaghanda kayo dahil pagtatagumpayin tayo ng PANGINOON laban sa mga Midianita.” Hinati niya sa tatlong grupo ang tatlong daan niyang tauhan, at binigyan ang bawat isa ng trumpeta at mga banga na may ilaw sa loob nito. At sinabi niya sa kanila, “Tingnan nʼyo ako at gayahin nʼyo ang gagawin ko. Kapag malapit na ako sa kampo, kung anong gagawin ko, gawin din ninyo. Kapag pinatunog ko at ng mga kasama ko ang mga trumpeta namin, ganoon din ang gawin nʼyo sa palibot ng kampo, at isigaw nʼyo nang malakas, ‘Para sa PANGINOON at kay Gideon!’ ” Maghahatinggabi na nang dumating si Gideon at ang isang daan niyang kasama sa hangganan ng kampo ng kalaban, kapapalit lang ng guwardiya noon. Pinatunog nina Gideon ang mga trumpeta nila at pinagbabasag ang kanilang mga banga. Ganoon din ang ginawa ng ibang grupo. At habang hawak nila ang ilaw sa kaliwang kamay at ang trumpeta sa kanang kamay, sumisigaw sila, “Lumaban tayo gamit ang ating espada para sa PANGINOON at kay Gideon.” Ang bawat isa ay pumuwesto sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, ngunit ang mga kalaban nila ay nagsisisigaw na nagsitakas. Habang tumutunog ang trumpeta ng tatlong daang Israelita, pinaglaban-laban ng PANGINOON ang mga Midianita sa loob ng kampo. Ang iba ay tumakas papunta sa Bet-sita malapit sa Zerera hanggang sa Abel-mehola malapit sa Tabata.



