Pagkamatay ni Ehud, muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng PANGINOON. Kaya hinayaan ng PANGINOON na sakupin sila ni Haring Jabin ng Hazor, na isang hari ng mga Cananeo. Ang kumander ng mga sundalo ni Jabin ay si Sisera na nakatira sa Haroshet Hagoyim. May 900 karwaheng yari sa bakal si Jabin, at labis niyang pinagmalupitan ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Kaya muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa PANGINOON.
Nang panahong iyon, ang pinuno ng Israel ay si Debora, na isang propeta ng Dios at asawa ni Lapidot. Kapag gustong ayusin ng mga Israelita ang kanilang mga di-pagkakaunawaan, pumupunta sila kay Debora na nasa ilalim ng puno ng palma na pag-aari nito, sa pagitan ng Rama at Betel sa kabundukan ng Efraim.
Isang araw, ipinatawag ni Debora si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kedesh na sakop ng lahi ni Naftali. Pagdating ni Barak, sinabi ni Debora sa kanya, “Inuutusan ka ng PANGINOON, ang Dios ng Israel, na kumuha ng 10,000 lalaki sa lahi ni Naftali at Zebulun, at dalhin sila sa Bundok ng Tabor. Lilinlangin ko si Sisera, ang kumander ng mga sundalo ni Jabin, na pumunta sa Lambak ng Kishon, kasama ang kanyang mga sundalo at mga karwahe. At doon pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”
Sinabi ni Barak kay Debora, “Pupunta ako kung sasama ka, pero kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.” Sumagot si Debora, “Sige, sasama ako sa iyo, pero hindi mapupunta sa iyo ang karangalan dahil ipapatalo ng PANGINOON si Sisera sa isang babae.” Kaya sumama si Debora kay Barak at pumunta sila sa Kedesh. Doon, ipinatawag ni Barak ang mga lahi ni Naftali at ni Zebulun, at 10,000 tao ang sumama sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.
Nang panahong iyon, si Heber na Keneo ay nagtayo ng tolda niya malapit sa puno ng terebinto sa Zaananim malapit sa Kedesh. Humiwalay siya sa ibang mga Keneo na mula sa angkan ni Hobab na bayaw ni Moises.
Ngayon, may nakapagsabi kay Sisera na papunta si Barak sa Bundok ng Tabor. Kaya tinipon ni Sisera ang 900 karwahe niyang yari sa bakal at ang lahat ng sundalo niya. At umalis sila mula sa Haroshet Hagoyim papunta sa Lambak ng Kishon.
Sinabi ni Debora kay Barak, “Humanda ka! Ito na ang araw na pagtatagumpayin ka ng PANGINOON laban kay Sisera. Pangungunahan ka ng PANGINOON.” Kaya bumaba si Barak sa Bundok ng Tabor kasama ng 10,000 niyang sundalo. Nang lumusob na sina Barak, nilito ng PANGINOON si Sisera at ang lahat ng mangangarwahe at sundalo niya. Pagkatapos, tumalon si Sisera sa karwahe niya at tumakas. Hinabol nila Barak ang mga sundalo at ang mga mangangarwahe ni Sisera hanggang sa Haroshet Hagoyim at nilipol ang mga ito. Wala ni isang natira sa kanila.
Si Sisera naman ay tumakas papunta sa tolda ni Jael na asawa ni Heber, dahil magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang pamilya ni Heber na Keneo. Sinalubong ni Jael si Sisera at sinabi, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Kaya pumasok si Sisera sa tolda, at tinakluban siya ni Jael ng kumot para itago. Sinabi ni Sisera kay Jael, “Pahingi ng tubig. Uhaw na uhaw na ako.” Kaya binuksan ni Jael ang balat na sisidlan ng gatas at pinainom si Sisera, at pagkatapos ay itinago siyang muli. Sinabi ni Sisera, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda. Kapag may dumating at magtanong kung may ibang tao rito sabihin mong wala.”
Dahil sa sobrang pagod ni Sisera, nakatulog siya. Nang makita ni Jael na nakatulog si Sisera, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at dahan-dahang lumapit kay Sisera. Pagkatapos, ibinaon niya ang tulos sa sentido ni Sisera, gamit ang martilyo, hanggang sa bumaon ang tulos sa lupa, at namatay si Sisera.
Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinalubong siya ni Jael, at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang taong hinahanap mo.” Pagpasok ni Barak sa tolda kasama ni Jael, nakita niya roon si Sisera na nakahandusay at patay na, at may tulos na nakabaon sa kanyang ulo. Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Dios ang mga Israelita laban kay Haring Jabin na Cananeo. Patuloy nilang nilabanan si Jabin hanggang sa mapatay nila ito.