Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan sa malalayong lugar, tumahimik kayo at makinig sa akin. Kayong mga bansa, lakasan ninyo ang inyong loob, lumapit kayo sa akin at sabihin ang inyong mga reklamo. Magtipon-tipon tayo at pag-usapan natin ito. Sino ang nagpadala ng isang tao mula sa silangan at nagbigay sa kanya ng tagumpay sa pakikipaglaban, saan man siya pumunta? Sino ang nagpasakop sa kanya ng mga hari at mga bansa? Winasak niya ang mga bansa at pinatay ang mga hari nito sa pamamagitan ng espada at pana. At ang mga itoʼy naging parang mga alikabok na tinangay ng hangin. Hinabol niya sila at walang humarang sa kanya kahit sa mga lugar na hindi pa niya napupuntahan. Sino ang gumawa ng lahat ng ito? Sino ang nagpanukala ng lahat ng mga mangyayari mula pa noong unang henerasyon? Hindi baʼt ako? Akong PANGINOON ay naroon noong sinimulan ang mundo, at naroroon din ako hanggang sa katapusan nito. Nakita ng mga tao sa malalayong lugar ang aking mga gawa, at nanginig sila sa takot. Nagtipon sila, at ang bawat isa ay nagtulungan at nagpalakas sa isaʼt isa. Ang mga karpintero, platero, at ang iba pang mga manggagawa na gumagawa ng mga dios-diosan ay nagpalakas sa isaʼt isa na nagsasabi, ‘Maganda ang pagkakagawa natin.’ Pagkatapos, ipinako nila ang ginawa nilang rebulto sa lalagyan nito para hindi mabuwal.
“Pero ikaw, Israel, na aking lingkod at pinili na mula sa lahi ni Abraham na aking kaibigan, tinawag kita at kinuha mula sa pinakamalayong dako ng mundo. Sinabi ko sa iyo na ikaw ay aking lingkod. Pinili kita at hindi itinakwil. Huwag kang mangamba dahil ako ang Dios mo. Palalakasin kita at tutulungan. Iingatan kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan na siya ring makapagliligtas sa iyo. Ang lahat ng nagagalit sa iyo ay tiyak na mapapahiya at malilito. Ang mga lumalaban sa iyo ay mapapahamak. At kahit hanapin mo ang iyong mga kaaway hindi mo na sila makikita. Silang mga kumakalaban sa iyo ay magiging walang kabuluhan. Sapagkat ako ang PANGINOON na iyong Dios. Ako ang nagpapalakas sa iyo at nagsasabing huwag kang matatakot dahil tutulungan kita. Kahit na maliit ka at mahina, huwag kang matatakot dahil ako mismo ang tutulong sa iyo. Ako, ang PANGINOON, ang nagsasabi nito. Ako ang iyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel. Makinig ka! Gagawin kitang parang bagong panggiik, matalim at maraming ngipin. Gigiikin mo at dudurugin ang mga bundok at burol. Gagawin mo ito na parang ipa. Tatahipan mo sila at tatangayin sila ng hangin; ikakalat sila ng malakas na hangin. Pero ikaw ay magagalak sa PANGINOON; magpupuri ka sa Banal na Dios ng Israel.
“Kapag nangangailangan ng tubig ang mga mamamayan kong dukha, at wala silang matagpuan, at kapag natutuyo na ang mga lalamunan nila sa uhaw, akong PANGINOON ang tutulong sa kanila. Akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila. Paaagusin ko ang tubig sa batis, dadaloy ito sa mga tuyong burol at magkakaroon ng mga bukal sa mga lambak. Gagawin kong tubigan ang ilang at ang mga lupang tigang ay magkakaroon ng mga bukal. Patutubuin ko sa ilang ang mga puno ng sedro, akasya, mirto, olibo, pino, enebro, at sipres, para makita, malaman, at maunawaan ng mga tao na ang lumikha nito ay ako, ang PANGINOON, ang Banal na Dios ng Israel.”
Sinabi ng PANGINOON, ang Hari ng Israel, sa mga dios-diosan, “Sige, magreklamo kayo at mangatuwiran! Lumapit kayo at sabihin sa amin kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Sabihin ninyo sa amin ang mga sinabi nʼyo noon na mangyayari para malaman namin kung nangyari nga ito. Sabihin ninyo sa amin kung ano ang mangyayari sa hinaharap para malaman namin na kayo ngaʼy mga dios. Gumawa kayo ng mabuti o ng masama para kami ay magtaka at matakot sa inyo. Pero ang totoo, wala kayong silbi at wala kayong magagawa. Kasuklam-suklam ang mga taong pumili sa inyo para kayo ay sambahin. Pinili ko ang taong mula sa hilaga para mamahala. Dumudulog siya sa akin, at ngayon ay darating siya mula sa silangan. Wawasakin niya ang mga namamahala katulad ng pagyapak ng magpapalayok sa putik na gagawin niyang palayok. Sino sa inyo ang nakahula noong una pa na mangyayari ito para malaman namin at nang masabi naming tama siya? Ni isa man lang sa inyoʼy walang nagsabi, at walang nakarinig na mayroon kayong sinabi. Akong Panginoon ang nagsabi nito noon sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Nagpadala ako ng isang mensahero para ibalita ang magandang balita na nandiyan na ang tutulong sa kanila. Tiningnan ko kung may dios-diosan na makapagpapayo pero wala akong nakita. Ni isa sa kanilaʼy walang makasagot sa mga tanong ko. Lahat ng mga dios-diosan ay walang kabuluhan, at walang magagawang anuman. Para silang lalagyan na puro hangin ang laman.”