Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 40:1-11

Isaias 40:1-11 ASND

Sinabi ng Dios, “Palakasin at pagaanin ninyo ang loob ng aking mga mamamayan. Magsalita kayo nang mahinahon sa mga taga-Jerusalem. Sabihin ninyo sa kanila na tapos na ang paghihirap nila, at pinatawad na ang kanilang mga kasalanan. Sapagkat pinarusahan ko sila nang husto sa lahat ng kasalanan nila.” May tagapagbalitang sumisigaw na nangangaral sa mga tao, “Ihanda ninyo ang daan sa ilang para sa PANGINOON. Gawin ninyong matuwid ang daan na dadaanan ng ating Dios. Tambakan ninyo ang mga mababang lugar, patagin ang mga bundok at burol, at pantayin ang mga baku-bakong daan. Mahahayag ang makapangyarihang presensya ng PANGINOON, at makikita ito ng lahat. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng PANGINOON.” May nagsabi sa akin, “Mangaral ka!” Ang tanong ko naman, “Anong ipapangaral ko?” Sinabi niya, “Ipangaral mo na ang lahat ng tao ay parang damo, ang kanilang katanyagan ay parang bulaklak nito. Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag kapag hinipan ng hanging mula sa PANGINOON. Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag, pero ang salita ng ating Dios ay mananatili magpakailanman.” Kayong mga nagdadala ng magandang balita sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umakyat kayo sa mataas na bundok, at isigaw ninyo ang magandang balita. Huwag kayong matakot, sabihin ninyo sa mga bayan ng Juda na nandiyan na ang kanilang Dios. Dumarating ang Panginoong DIOS na makapangyarihan at maghahari siya na may kapangyarihan. Dumarating siyang dala ang gantimpala para sa kanyang mga mamamayan. Aalagaan niya ang kanyang mga mamamayan gaya ng pastol na nag-aalaga ng kanyang mga tupa. Kinakarga niya ang maliliit na tupa at maingat niyang pinapatnubayan ang mga inahing tupa.