Sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron, “Kumuha kayo ng ilang dakot ng abo sa pugon at isasaboy ito ni Moises sa hangin sa harap ng Faraon. Kakalat ang mga abo sa buong Egipto, at dahil dito tutubuan ng mga bukol ang katawan ng mga tao at mga hayop.”
Kaya kumuha ng abo sa pugon sila Moises at Aaron, at tumayo sa harap ng Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa hangin, at tinubuan ng mga bukol ang mga tao at mga hayop. Kahit na ang mga salamangkero ay hindi makaharap kay Moises dahil tinubuan din sila ng mga bukol katulad ng lahat ng Egipcio. Pero pinatigas ng PANGINOON ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng PANGINOON kay Moises.
Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at puntahan mo ang Faraon, at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng PANGINOON, ang Dios ng mga Hebreo: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. Dahil kung hindi, magpapadala ako ng matinding salot na magpaparusa sa iyo, sa mga opisyal at mga mamamayan mo para malaman mo na wala akong katulad sa buong mundo. Kahit noon pa, kaya na kitang patayin pati na ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng karamdaman, at wala na sana kayo ngayon. Pero pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para makita mo ang kapangyarihan ko at para makilala ang pangalan ko sa buong mundo. Pero nagyayabang ka pa rin sa mamamayan ko, at hindi mo pa rin sila pinapayagang umalis. Kaya bukas, sa ganito ring oras, magpapaulan ako ng mga yelong parang bato, at ang lakas ng pagbagsak nitoʼy hindi pa nararanasan ng Egipto mula nang maging bansa ito. Kaya iutos mo ngayon na isilong ang lahat ng hayop mo at ang lahat ng alipin mo na nasa bukid, dahil ang sinumang nasa labas, tao man o hayop ay mamamatay kapag tinamaan ng mga yelong parang bato.’ ”
Natakot ang ibang mga opisyal ng Faraon sa sinabi ng PANGINOON, kaya nagmadali silang isilong ang mga alipin at mga hayop nila.
Pero may ilan na binalewala ang babala ng PANGINOON; pinabayaan lang nila ang mga hayop at alipin nila sa labas.
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Itaas mo ang baston mo sa langit para umulan ng mga yelong parang bato sa buong Egipto – sa mga tao, mga hayop at sa lahat ng pananim.” Kaya itinaas niya ang kanyang baston, at nagpadala ang PANGINOON ng kulog, mga yelo na parang bato, at kidlat. Ang mga yelong pinaulan ng PANGINOON sa lupain ng Egipto ang pinakamatindi mula nang maging bansa ang Egipto. Habang umuulan, patuloy naman ang pagkidlat. Namatay lahat ang hayop at mga tao na naiwan sa labas, at pati na ang mga halaman at punongkahoy. Tanging sa Goshen lang hindi umulan ng yelo kung saan nakatira ang mga Israelita.
Ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron. Sinabi niya sa kanila, “Sa pagkakataong ito, inaamin ko na nagkasala ako. Tama ang PANGINOON, at ako at ang mga mamamayan ko ang mali. Pakiusapan ninyo ang PANGINOON na itigil na niya ang matinding kulog na ito at ang pag-ulan ng yelo. Paaalisin ko na kayo, hindi na kayo dapat pang manatili rito.”
Sumagot si Moises, “Kapag nakalabas na ako ng lungsod, itataas ko ang aking kamay sa PANGINOON para manalangin. At titigil ang kulog at hindi na uulan ng yelo, para malaman mo na pag-aari ng PANGINOON ang mundo. Pero alam kong ikaw at ang mga opisyal mo ay hindi pa rin natatakot sa PANGINOONG Dios.”
(Nasira ang mga pananim na flax at sebada, dahil aanihin na noon ang sebada at namumulaklak na ang flax. Pero hindi nasira ang mga trigo dahil hindi pa aanihin ang mga ito.)
Umalis si Moises sa harapan ng Faraon at lumabas ng lungsod. Itinaas niya ang kanyang kamay sa PANGINOON para manalangin at huminto ang kulog, ang pag-ulan ng yelong parang bato at ang ulan. Pagkakita ng Faraon na huminto na ang ulan, ang yelo at ang kulog, muli siyang nagkasala. Nagmatigas siya at ang mga opisyal niya. Sa pagmamatigas niya, hindi niya pinaalis ang mga Israelita, gaya ng sinabi ng PANGINOON kay Moises.