Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 4:1-15

Exodus 4:1-15 ASND

Nagtanong si Moises, “Paano po kung hindi maniwala sa akin ang mga Israelita o makinig sa sasabihin ko? Baka sabihin nila na hindi kayo nagpakita sa akin.” Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Ano iyang hawak mo?” Sumagot si Moises, “Baston po.” Sinabi ng PANGINOON, “Ihagis mo sa lupa.” Kaya inihagis ni Moises ang baston at naging ahas ito. Natakot si Moises, kaya napatakbo siya. Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Hulihin mo ito sa buntot.” Kaya hinuli ito ni Moises at muling naging baston. Sinabi ng PANGINOON, “Gawin mo ang himalang ito para maniwala sila na ako ang PANGINOON, ang Dios ng mga ninuno nilang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa iyo.” Sinabi pa ng PANGINOON, “Ilagay mo ang kamay mo sa loob ng damit mo.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ang kanyang kamay, namuti ito dahil tinubuan ng isang malubhang sakit sa balat. Sinabi ng PANGINOON, “Muli mong ilagay ang kamay mo sa loob ng iyong damit.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ito, maayos na muli ito katulad ng ibang bahagi ng kanyang katawan. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON, “Kung hindi sila maniwala sa unang himala, sa ikalawaʼy maniniwala na sila. Pero kung hindi pa rin sila maniwala sa iyo pagkatapos ng dalawang himala, kumuha ka ng tubig sa Ilog ng Nilo at ibuhos mo ito sa tuyong lupa, at magiging dugo ito.” Sinabi ni Moises, “Panginoon, hindi po ako magaling magsalita. Mula pa man noon, hirap na ako sa pagsasalita, kahit na ngayong nakikipag-usap kayo sa akin. Pautal-utal ako kapag nagsasalita.” Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Sino ba ang gumawa ng bibig ng tao? Sino ba ang may kakayahang gawing bingi o pipi? Sino ba ang nagdedesisyon na makakita o mabulag siya? Hindi ba ako, ang PANGINOON? Kaya lumakad ka, dahil tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang mga sasabihin mo.” Pero sinabi ni Moises, “O Panginoon, kung maaari po magpadala na lang kayo ng iba.” Nagalit nang matindi ang PANGINOON kay Moises. Kaya sinabi niya, “O sige, si Aaron na lang na kapatid mo, na isang Levita ang siyang magsasalita para sa iyo. Alam kong mahusay siyang magsalita. Papunta na siya rito para makipagkita sa iyo. Matutuwa siyang makita ka. Kausapin mo siya at turuan kung ano ang kanyang sasabihin. Tutulungan ko kayong dalawa sa pagsasalita, at tuturuan ko rin kayo kung ano ang gagawin ninyo.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Exodus 4:1-15