Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom para dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi. Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, “Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi.” Sumagot si Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin para malaman ang kalooban ng Dios. Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios.” Sinabi ni Jetro, “Hindi tama ang pamamaraan mong ito. Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Dios. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Dios para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. Pero pumili ka ng mga taong tutulong sa iyo. Dapat mayroon silang kakayahan sa paghuhukom, may takot sa Dios, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. Alam kong ito ang gusto ng Dios na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.” Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan. Pumili siya sa mga Israelita ng mga taong may kakayahan sa paghuhukom, at ginawa niya silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises. Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.
Basahin Exodus 18
Makinig sa Exodus 18
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Exodus 18:13-27
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas