Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 10:1-9

Exodus 10:1-9 ASND

Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon dahil pinatigas ko ang puso niya at ng mga opisyal niya, para patuloy kong maipakita sa kanila ang aking mga himala. At para maikuwento ninyo sa mga anak at apo ninyo kung paano ko pinarusahan ang mga Egipcio at kung paano ako gumawa ng mga himala sa kanila. Sa ganitong paraan, malalaman nilang ako ang PANGINOON.” Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng PANGINOON, ang Dios ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka pa ba magmamataas sa akin? Paalisin mo ang mamamayan ko para makasamba sila sa akin. Kung hindi mo sila paaalisin, magpapadala ako ng mga balang sa bansa mo bukas. Sa sobrang dami nila, hindi na makikita ang lupa. Kakainin nila ang mga pananim na hindi nasira ng pag-ulan ng yelo, maging ang lahat ng punongkahoy. Mapupuno ng balang ang iyong palasyo at ang mga bahay ng mga opisyal at mga mamamayan mo. Wala pang ganitong pangyayari sa kasaysayan ng Egipto mula nang dumating ang inyong mga ninuno hanggang ngayon.’ ” Nang masabi ito ni Moises, umalis na siya. Sinabi ng mga opisyal ng Faraon sa kanya, “Hanggang kailan nʼyo pa ba hahayaan ang kalamidad na ito na magparusa sa atin? Paalisin nʼyo na po ang mga Israelita, para makasamba na sila sa PANGINOON na kanilang Dios. Hindi nʼyo ba naiisip na nasalanta na ang Egipto?” Kaya pinabalik sina Moises at Aaron sa Faraon. Sinabi ng Faraon sa kanila, “Maaari na kayong umalis para makasamba kayo sa PANGINOON na inyong Dios. Pero sabihin nʼyo sa akin kung sino ang isasama ninyo sa pag-alis.” Sumagot si Moises, “Aalis kaming lahat, bata at matanda. Dadalhin namin ang aming mga anak at mga hayop, dahil lahat kami ay magdaraos ng pista para sa PANGINOON.”