Ang sobrang pananaginip at pagsasalita ay walang kabuluhan. Sa halip, matakot ka sa Dios. Huwag kang magtaka kung makita mo sa inyong lugar na ang mga mahihirap ay inaapi at pinagkakaitan ng katarungan at karapatan. Dahil ang mga pinunong gumigipit sa kanila ay inaalagaan ng mas nakatataas na pinuno, at ang dalawang ito ay inaalagaan ng mas mataas pang pinuno. Pero mas lamang pa rin ang nakukuha ng hari sa kita ng lupain ng mahihirap, kaysa sa lahat ng mga pinuno. Ang taong maibigin sa pera at iba pang kayamanan, kailanman ay hindi masisiyahan. Wala rin itong kabuluhan. Kung dumarami ang kayamanan mo, dumarami rin ang nakikinabang nito, kaya wala kang mapapala sa kayamanan mo kundi pagmasdan lang ito. Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang pagkain niya; pero ang mayaman, hindi makatulog nang mahimbing dahil sa kanyang kayamanan. May nakita akong hindi maganda rito sa mundo: Ang kayamanang iniipon ng tao ay nakapagpapahamak sa kanya. Nauubos ito dahil sa hindi mabuting negosyo at wala ng matitira para sa mga anak niya. Kung paanong hubad tayong ipinanganak mula sa sinapupunan ng ating ina, hubad din tayong mamamatay. Hindi natin madadala ang ating mga pinaghirapan. Napakalungkot isipin! Ipinanganak tayong walang dala, mamamatay tayong walang dala. Kaya ano pa ang saysay ng mga pagpapakahirap natin? Para lang tayong humahabol sa hangin na walang napapala. Ang buhay natin ay puno ng kahirapan, kaguluhan, sakit at galit. Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao sa maiksing buhay na ibinigay sa kanya ng Dios ay kumain, uminom at magpakasaya sa kanyang pinaghirapan habang siyaʼy nabubuhay, dahil para naman talaga sa kanya ang mga iyon. Binibigyan ng Dios ang bawat tao ng mga pag-aari at kayamanan. Hinahayaan niyang pakinabangan nila ang mga ito para matanggap nila ang para sa kanila at magpakasaya sa mga pinaghirapan nila. Ito ang regalo ng Dios sa kanila. At dahil ginagawa ng Dios na abala ang tao sa mga bagay na nakapagpapasaya sa kanila, hindi sila nag-aalala na maiksi ang buhay nila.
Basahin Mangangaral 5
Makinig sa Mangangaral 5
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: Mangangaral 5:7-20
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas