Sinabi nila sa hari, “Si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi sumusunod sa inyong utos. Nananalangin siya sa kanyang Dios ng tatlong beses sa isang araw.” Nang marinig ito ng hari, nabalisa siya ng sobra. Nais niyang tulungan si Daniel, kaya buong maghapon siyang nag-isip at naghanap ng paraan para mailigtas si Daniel. Nagtipong muli ang mga opisyal ng hari at sinabi, “Mahal na Hari, alam nʼyo naman na ayon sa kautusan ng Media at Persia, kapag nagpalabas ang hari ng kautusan ay hindi na ito maaaring baguhin.” Kaya iniutos ng hari na hulihin si Daniel at ihulog sa kulungan ng mga leon. Sinabi ng hari kay Daniel, “Iligtas ka nawa ng iyong Dios na patuloy mong pinaglilingkuran.” Pagkatapos, tinakpan ng isang malaking bato ang kulungan na pinaghulugan kay Daniel, at tinatakan ng singsing ng hari at ng singsing ng mga marangal sa kaharian para walang sinumang magbubukas nito. Pagkatapos ay umuwi si Haring Darius sa palasyo niya. Hindi siya kumain ng gabing iyon at hindi rin humiling na siya ay aliwin. At hindi siya makatulog. Kinaumagahan, nagbubukang-liwayway pa lamang ay nagmamadaling pumunta ang hari sa kulungan ng mga leon. Pagdating niya roon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, lingkod ng buhay na Dios, iniligtas ka ba sa mga leon ng iyong Dios na patuloy mong pinaglilingkuran?” Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari! Hindi ako sinaktan ng mga leon, dahil nagpadala ang Dios ng kanyang mga anghel para itikom ang mga bibig ng mga leon. Ginawa ito ng Dios dahil alam niyang matuwid ang aking buhay at wala akong ginawang kasalanan sa inyo.” Nang marinig iyon ng hari, nagalak siya at nag-utos na kunin si Daniel sa kulungan. Nang nakuha na si Daniel, wala silang nakitang kahit galos man lamang sa kanyang katawan, dahil nagtiwala siya sa Dios. Nag-utos ang hari na ang lahat ng nagparatang kay Daniel ay hulihin at ihulog sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang asawaʼt mga anak. Hindi pa sila nakakarating sa ilalim ng kulungan, agad silang sinakmal ng mga leon at nilapa. Pagkatapos ay sumulat si Haring Darius sa lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi at wika sa mundo. Ito ang nakasulat: “Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan. “Iniuutos ko sa lahat ng tao na nasasakupan ng aking kaharian na matakot at gumalang sa Dios ni Daniel. Sapagkat siya ang buhay na Dios at nabubuhay magpakailanman. Ang paghahari niya ay walang hanggan, at walang makakapagbagsak nito. Nagliligtas siya at gumagawa ng mga himala at kababalaghan sa langit at dito sa lupa. Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.” Naging maunlad ang buhay ni Daniel sa panahon ng paghahari ni Darius at sa panahon ng paghahari ni Cyrus na taga-Persia.
Basahin Daniel 6
Makinig sa Daniel 6
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Daniel 6:13-28
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas