May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ang daang iyon ay bihira na lang daanan.) Kaya umalis si Felipe, at doon ay nakita niya ang taong taga-Etiopia. Pauwi na ito galing sa Jerusalem kung saan siya sumamba sa Dios. Mataas ang kanyang tungkulin dahil siya ang pinagkakatiwalaan ng kayamanan ng Candace. (Ang Candace ay reyna ng Etiopia.) Nakasakay siya sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. Sinabi ng Banal na Espiritu kay Felipe, “Puntahan mo at makisabay ka sa kanyang karwahe.” Kaya tumakbo si Felipe at inabutan niya ang karwahe. Narinig niyang nagbabasa ang opisyal ng aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe kung nauunawaan niya ang kanyang binabasa. Sumagot ang opisyal, “Hindi nga eh! Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at tumabi sa kanya. Ito ang bahagi ng Kasulatan na kanyang binabasa: “Hindi siya nagreklamo. Katulad siya ng tupa na dinadala sa katayan, o kayaʼy isang munting tupa na walang imik habang ginugupitan. Hinamak siya at hinatulan nang hindi tama. Walang makapagsasabi tungkol sa kanyang mga lahi, dahil pinaikli ang kanyang buhay dito sa lupa.” Sinabi ng opisyal kay Felipe, “Sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang sarili ba niya o ibang tao?” Kaya simula sa bahaging iyon ng Kasulatan, ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. Habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa lugar na may tubig. Sinabi ng opisyal kay Felipe, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” [Sumagot si Felipe sa kanya, “Maaari ka nang bautismuhan kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang opisyal, “Oo, sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Dios.”] Pinahinto ng opisyal ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa tubig, bigla na lang kinuha si Felipe ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng opisyal, pero masaya siyang nagpatuloy sa kanyang paglalakbay.
Basahin Gawa 8
Makinig sa Gawa 8
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Gawa 8:26-39
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas