Kinaumagahan, nagpulong ang mahigit 40 Judio, at nagplano sila kung ano ang kanilang gagawin. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. Pagkatapos, pumunta sila sa mga namamahalang pari at sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Nanumpa kami na hindi kami kakain ng kahit ano hanggaʼt hindi namin napapatay si Pablo. Kaya hilingin ninyo at ng Korte sa kumander ng mga sundalong Romano na gusto ninyong papuntahin ulit dito sa inyo si Pablo. Sabihin ninyo na gusto ninyong imbestigahan nang mabuti si Pablo. Pero bago pa siya makarating dito, papatayin namin siya.”
Pero ang plano nilaʼy narinig ng pamangking lalaki ni Pablo, na anak ng kapatid niyang babae. Kaya pumunta siya sa kampo ng mga sundalo at ibinalita ito kay Pablo. Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan doon at sinabi, “Dalhin ninyo ang binatilyong ito sa kumander, dahil may sasabihin siya sa kanya.” Kaya dinala siya ng kapitan sa kumander. Pagdating nila roon, sinabi ng kapitan, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at nakiusap na dalhin ko rito sa iyo ang binatilyong ito, dahil may sasabihin daw siya sa iyo.” Hinawakan ng kumander ang kamay ng binatilyo, at dinala siya sa lugar na walang ibang makakarinig. At tinanong niya, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?” Sinabi ng binatilyo, “Nagkasundo ang mga Judio na hilingin sa inyo na dalhin si Pablo sa Korte bukas, dahil iimbestigahan daw nila nang mabuti. Pero huwag po kayong maniwala sa kanila, dahil mahigit 40 tao ang nagbabantay na tatambang sa kanya. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. Nakahanda na sila at naghihintay na lang ng pahintulot ninyo.” Sinabi ng kumander sa kanya, “Huwag mong sasabihin kahit kanino na ipinaalam mo ito sa akin.” At pinauwi niya ang binatilyo.
Ipinatawag agad ng kumander ang dalawa sa kanyang mga kapitan at sinabi sa kanila, “Maghanda kayo ng 200 sundalo at ipapadala ko kayo sa Cesarea. Magdala rin kayo ng 70 sundalong nakakabayo at 200 sundalong may sibat. At lumakad kayo mamayang gabi, mga alas nuwebe. Maghanda rin kayo ng mga kabayo na sasakyan ni Pablo. Bantayan ninyo siyang mabuti para walang mangyari sa kanya hanggang sa makarating siya kay Gobernador Felix.” At sumulat ang kumander sa gobernador ng ganito:
“Mula kay Claudius Lysias.
“Mahal at kagalang-galang na Gobernador Felix:
“Ang taong ito na ipinadala ko sa iyo ay dinakip ng mga Judio, at papatayin na sana. Pero nang malaman kong isa pala siyang Romano, nagsama ako ng mga sundalo at iniligtas siya. Dinala ko siya sa kanilang Korte para malaman kung ano ang kanyang nagawang kasalanan. Natuklasan ko na ang akusasyon sa kanya ay tungkol lang sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanilang relihiyon. Wala talagang sapat na dahilan para ipakulong siya o ipapatay. Kaya nang malaman kong may plano ang mga Judio na patayin siya, agad ko siyang ipinadala sa inyo. At sinabihan ko ang mga nag-akusa sa kanya na sa inyo na sila magreklamo.”
Sinunod ng mga sundalo ang utos sa kanila. At nang gabing iyon, dinala nila si Pablo sa Antipatris. Kinabukasan, bumalik ang mga sundalo sa kampo, samantalang nagpaiwan ang mga sundalong nakakabayo para samahan si Pablo. Nang dumating sila sa Cesarea, iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat. Binasa ito ng gobernador at pagkatapos ay tinanong si Pablo kung saang lalawigan siya nanggaling. Nang malaman niyang taga-Cilicia si Pablo, sinabi niya, “Pakikinggan ko ang kaso mo kapag dumating na ang mga nag-aakusa sa iyo.” At pinabantayan ng gobernador si Pablo sa palasyo na ipinagawa ni Herodes.