Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Gawa 2:1-13

Gawa 2:1-13 ASND

Pagdating ng araw ng pista na tinatawag na Pentecostes, nagtipon ang lahat ng mananampalataya sa isang bahay. Habang nagtitipon sila, bigla na lang silang nakarinig ng ugong na mula sa langit, na katulad ng malakas na hangin. At puro ugong na lang ang kanilang narinig sa bahay na kanilang pinagtitipunan. Pagkatapos, may nakita silang mga ningas ng apoy na parang mga dila na kumalat at dumapo sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. Ang Banal na Espiritu ang siyang nagbigay sa kanila ng kakayahang makapagsalita nang ganoon. Nang panahon ding iyon, doon sa Jerusalem ay may mga relihiyosong Judio na nanggaling sa ibaʼt ibang bansa sa buong mundo. Pagkarinig nila sa ugong na iyon, nagmadali silang pumunta sa pinagtitipunan ng mga mananampalataya. Namangha sila dahil narinig nilang sinasalita ng mga mananampalataya ang kani-kanilang wika. Sinabi nila, “Aba, hindi baʼt mga taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakakapagsalita ng sarili nating wika? Ang iba sa atin ay taga-Partia, Media at Elam. Mayroon ding mga taga-Mesopotamia, Judea, Capadosia, Pontus at Asia. Ang iba ay taga-Frigia, Pamfilia, Egipto, at mula sa mga lugar na sakop ng Libya na malapit sa Cyrene. Mayroon ding mga taga-Roma, mga Judio, at mga hindi Judio na nahikayat sa relihiyon ng mga Judio. At ang iba ay mula sa Crete at Arabia. Pero naririnig natin sila na nagsasalita ng mga wika natin tungkol sa mga kamangha-manghang ginawa ng Dios!” Namangha talaga ang lahat ng tao roon. At dahil hindi nila maunawaan kung ano ang nangyayari, nagtanungan na lang sila sa isaʼt isa, “Ano kaya ito?” Pero tinuya ng iba ang mga mananampalataya. Sinabi nila, “Lasing lang ang mga iyan!”