Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Gawa 19:1-10

Gawa 19:1-10 ASND

Habang nasa Corinto si Apolos, pumunta si Pablo sa mga bulubunduking lugar ng lalawigan hanggang sa nakarating siya sa Efeso. May nakita siyang mga tagasunod doon. Tinanong niya sila, “Natanggap nʼyo na ba ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?” Sumagot sila, “Hindi nga namin narinig na may tinatawag na Banal na Espiritu.” Nagtanong si Pablo sa kanila, “Sa anong bautismo kayo binautismuhan?” Sumagot sila, “Sa bautismo ni Juan.” Sinabi ni Pablo sa kanila, “Ang bautismo ni Juan ay para sa mga taong nagsisisi sa kanilang kasalanan. Ngunit sinabi rin ni Juan sa mga tao na dapat silang sumampalataya sa darating na kasunod niya, na walang iba kundi si Jesus.” Nang marinig nila ito, binautismuhan sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. At nang ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Nakapagsalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at may mga ipinahayag silang mensahe mula sa Dios. Labindalawang lalaki silang lahat. Sa loob ng tatlong buwan, patuloy ang pagpunta ni Pablo sa sambahan ng mga Judio. Hindi siya natatakot magsalita sa mga tao. Nakipagdiskusyon siya at ipinaliwanag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios. Pero ang iba sa kanilaʼy matigas talaga ang ulo at ayaw maniwala, at siniraan nila sa publiko ang pamamaraan ni Jesus. Kaya umalis si Pablo sa kanilang sambahan kasama ang mga tagasunod ni Jesus, at araw-araw ay pumupunta siya sa paaralan ni Tyranus para ipagpatuloy ang pakikipagdiskusyon sa harap ng madla. Sa loob ng dalawang taon, ganoon ang kanyang ginagawa, kaya ang lahat ng nakatira sa lalawigan ng Asia, Judio at hindi Judio ay nakarinig ng salita ng Dios.