Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Timoteo 4:6-22

2 Timoteo 4:6-22 ASD

Ang buhay ko ay iaalay na, dahil dumating na ang panahon ng pagpanaw ko. Puspusan akong nakipaglaban sa paligsahan. Natapos ko ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. At ngayon, may inilaan ang Diyos sa akin na korona ng katuwiran. Ibibigay ito sa akin ng makatarungang Panginoon sa araw ng paghuhukom niya. At hindi lang ako ang bibigyan, kundi maging ang lahat ng nananabik sa pagbabalik niya. Pagsikapan mong makadalaw rito sa akin sa lalong madaling panahon dahil iniwanan ako ni Demas at nagpunta siya sa Tesalonica. Iniwanan niya ako dahil mas mahal niya ang mga bagay sa mundong ito. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmatia. Si Lucas lang ang kasama ko. Kaya isama mo na rin si Marcos sa pagpunta mo rito dahil malaki ang maitutulong niya sa mga gawain ko. Si Tiquico namaʼy pinapunta ko sa Efeso. Pagpunta mo ritoʼy dalhin mo ang balabal ko na iniwan ko kay Carpo sa Troas. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop. Napakasamá ng ginawa sa akin ng panday na si Alejandro. Ang Panginoon na ang bahalang magparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. Mag-ingat ka rin sa kanya dahil sinasalungat niya nang husto ang mga ipinangangaral natin. Walang sumáma sa akin sa unang paglilitis sa akin; iniwan ako ng lahat. Patawarin sana sila ng Diyos. Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon; binigyan niya ako ng lakas na maipahayag nang husto ang Magandang Balita sa mga hindi Hudyo. Iniligtas niya ako sa tiyak na kamatayan. Ililigtas ako ng Panginoon sa lahat ng kasamaan, at dadalhin niya akong ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen! Ikumusta mo ako kina Priscila at Aquila at sa pamilya ni Onesiforo. Si Erasto ay nanatili sa Corinto, at si Trofimo namaʼy iniwan ko sa Mileto dahil may sakit siya. Sikapin mong makarating dito bago magtaglamig. Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at ng lahat ng mga kapatid dito. Sumainyong lahat nawa ang Panginoon at ang biyaya niya.