Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Cronica 24

24
Ipinaayos ni Joas ang Templo
(2~Hari 12:1‑16)
1Si Joas ay pitong taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng apatnapung taon. Ang kanyang ina ay si Sibias na taga-Beer-seba. 2Matuwid ang ginawa ni Joas sa paningin ng Panginoon sa buong buhay ng paring si Joiada. 3Pumili si Joiada ng dalawang asawa para sa kanya, at nagkaroon siya ng mga anak na lalaki at babae.
4Pagkalipas ng ilang panahon, nagpasya si Joas na ipaayos ang Templo ng Panginoon. 5Ipinatawag niya ang mga pari at mga Levita, at sinabi, “Pumunta kayo sa mga bayan ng Juda at kolektahin nʼyo ang mga buwis ng Israelita bawat taon, upang maipaayos natin ang Templo ng ating Diyos.” Ngunit hindi agad sumunod ang mga Levita.
6Kaya ipinatawag ni Haring Joas si Joiada, ang punong pari, at tinanong, “Bakit hindi mo kinolekta sa mga Levita ang buwis ng mga mamamayan ng Juda at ng Jerusalem? Hindi ba nag-utos si Moises na lingkod ng Panginoon sa mamamayan ng Israel na ibigay nila ang kanilang buwis para sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan?”
7Ang mga anak ng masamang babaeng si Atalia ay pumasok noon sa Templo ng Diyos at nanguha ng mga banal na kagamitan upang gamitin sa pagsamba kay Baal.
8Kaya nag-utos si Haring Joas na gumawa ng isang kahon, at ilagay ito sa labas ng pintuan ng Templo ng Panginoon. 9Pagkatapos, naglabas siya ng mensahe sa Juda at sa Jerusalem, na kailangang dalhin ng mga tao sa Panginoon ang kanilang buwis ayon sa iniutos ni Moises sa mamamayan ng Israel sa ilang. 10Masayang nagbigay ang lahat ng opisyal at tao. Inihulog nila ang kanilang pera sa kahon hanggang mapuno ito. 11Kapag puno na ang kahon, dinadala ito ng mga Levita sa mga opisyal ng hari. Pagkatapos, binibilang ito ng kalihim ng hari at ang opisyal ng punong pari, at ibinabalik nila ang kahon sa pintuan ng Templo. Ginagawa nila ito araw-araw hanggang sa dumami ang koleksyon. 12Pagkatapos, ibinigay nina Haring Joas at Joiada ang pera sa mga tao na namamahala sa pag-aayos ng Templo ng Panginoon. At kumuha sila ng mga karpintero at manggagawang mahusay sa bakal at tanso.
13Napakasipag ng mga inatasan sa mga trabaho, kaya naging mabilis ang paggawa. Naayos nila ang Templo ng Diyos ayon sa orihinal na disenyo at mas pinatatag pa ito. 14Nang matapos ang trabaho, isinauli nila sa hari at kay Joiada ang sobrang pera at ginamit ito sa paggawa ng mga kagamitan sa Templo ng Panginoon  – ang mga ginagamit sa pagsamba, sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog, pati na ang mga mangkok at mga sisidlan na ginto at pilak. At habang nabubuhay si Joiada, nagpatuloy ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa Templo ng Panginoon.
15Nabuhay si Joiada nang mahabang panahon, at namatay siya sa edad na 130. 16Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lungsod ni David, dahil sa mabubuting ginawa niya sa Israel para sa Diyos at sa kanyang Templo.
Ang Kasamaan ni Joas
17Ngunit pagkatapos mamatay ni Joiada, pumunta ang mga opisyal ng Juda kay Haring Joas at hinimok siyang makinig sa kanila. 18Nagpasya sila na pabayaan na lang ang Templo ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at sumamba sa mga posteng imahen ni Ashera at sa iba pang mga diyos-diyosan. Dahil sa ginawa nila, nagalit ang Diyos sa Juda at sa Jerusalem. 19Kahit nagpadala ang Panginoon ng mga propeta sa mga tao upang pabalikin sila sa kanya, at nagbigay ng babala ngunit hindi pa rin sila nakinig.
20Si Zacarias na anak ni Joiada na pari ay pinuspos ng Espiritu ng Diyos. Tumayo siya sa harapan ng mga tao at nagsabi, “Ito ang sinabi ng Diyos: Bakit hindi nʼyo sinusunod ang mga utos ng Panginoon? Hindi kayo uunlad kailanman. Dahil itinakwil nʼyo ang Panginoon, itatakwil din niya kayo.”
21Nagplano ang mga opisyal na patayin si Zacarias. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias sa loob ng bakuran ng Templo ng Panginoon, at namatay ito. 22Kinalimutan ni Haring Joas ang kabutihang ipinakita sa kanya ni Joiada, na ama ni Zacarias. Sa halip, pinatay niya si Zacarias. Ito ang sinabi ni Zacarias nang naghihingalo na siya, “Sanaʼy makita ng Panginoon ang inyong ginawa, at singilin niya kayo.”
23Nang simula ng bagong taon, nilusob ng mga sundalo ng Aram ang Juda. Natalo nila ang Juda at ang Jerusalem, at pinatay nila ang mga pinuno ng Juda. At dinala nila sa kanilang hari sa Damasco ang lahat ng kanilang nasamsam. 24Kakaunti lang ang mga sundalo ng Aram na lumusob kung ihahambing sa mga sundalo ng Juda. Ngunit ipinatalo sa kanila ng Panginoon ang Juda, dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Kaya dumating ang parusang ito kay Joas. 25Pag-alis ng mga taga-Aram, naiwang malubhang sugatan si Joas. Ngunit nagplano ang kanyang mga opisyal na patayin siya dahil sa pagpatay niya sa anak ni Joiada na pari. Kaya pinatay nila siya sa kanyang higaan. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.
26Ang mga pumatay sa kanya ay sina Sabad na anak ng isang babaeng Amonita na si Simeat, at si Jehosabad na anak ng isang babaeng Moabita na si Simrit. 27Ang salaysay tungkol sa mga anak ni Joas, sa mga propesiya tungkol sa kanya, at sa pagpapaayos ng Templo ng Diyos ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari. At ang anak niyang si Amazias ang pumalit sa kanya bilang hari.

Kasalukuyang Napili:

2 Mga Cronica 24: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in