2 Mga Cronica 11
11
Binalaan ni Semaias si Rehoboam
(1~Hari 12:21‑24)
1Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at upang bawiin ang kaharian niya.
2Ngunit sinabi ng Panginoon kay Semaias na kanyang lingkod, 3“Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng Israelita sa Juda at Benjamin 4na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Huwag kayong makipaglaban sa inyong kadugo. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod sila sa Panginoon at hindi nila nilusob si Jeroboam.
Pinagtibay ni Rehoboam ang Juda
5Nagpaiwan si Rehoboam sa Jerusalem at pinalakas niya ang mga bayang ito upang maprotektahan ang Juda: 6Bethlehem, Etam, Tekoa, 7Bet-sur, Soco, Adulam, 8Gat, Maresa, Zif, 9Adoraim, Laquis, Azeka, 10Zora, Ayalon at Hebron. Ito ang mga napapaderang lungsod sa Juda at Benjamin. 11Pinatatag niya ang mga tanggulan nito at pinalagyan ito ng mga kumander. Silaʼy binigyan niya ng mga pagkain, langis ng olibo, at alak. 12Pinalagyan niya ang mga lungsod ng mga pananggalang at mga sibat bilang dagdag na pampatibay. Kaya ang Juda at ang Benjamin ay naging sakop niya.
13Ngunit ang mga pari at mga Levita na nakatira kasama ng ibang lahi ng Israel ay kumampi kay Rehoboam. 14Ang mga Levitang ito ay iniwan ang kanilang bahay at lupa, at lumipat sa Juda at Jerusalem dahil itinakwil sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ng Panginoon. 15Nagtalaga si Jeroboam ng sarili niyang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar, kung saan sumasamba sila sa kanilang mga diyos-diyosang kambing at baka na gawa ni Jeroboam. 16Ang mga Israelita sa ibang lahi ng Israel na gustong dumulog sa Panginoon, ang Diyos ng Israel ay sumunod sa mga Levita sa Jerusalem, upang makapaghandog sila ng mga handog sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 17Pinatibay nila ang kaharian ng Juda, at sa loob ng tatlong taon, sinuportahan nila si Rehoboam na anak ni Solomon. Sumunod sila sa Panginoon gaya ng kanilang ginawa noong naghari sina David at Solomon.
Ang Pamilya ni Rehoboam
18Pinakasalan ni Rehoboam si Mahalat, na anak ni Jerimot na anak ni David, at Abihail na anak ni Eliab at apo ni Jesse. 19Si Rehoboam at si Mahalat ay may tatlong anak na lalaki na sina Jeus, Semarias at Zaham. 20Pinakasalan din ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom. Ang kanilang mga anak na lalaki ay sina Abias, Atai, Ziza at Selomit. 21Mas mahal ni Rehoboam si Maaca kaysa sa iba niyang mga asawa. May labingwalong asawa si Rehoboam at may animnapu pa siyang mga asawang alipin. At ang mga anak niya ay dalawampuʼt walong lalaki at anim na babae.
22Ang anak niya kay Maaca na si Abias ang pinili niyang maging pinuno ng mga anak niyang prinsipe, na nangangahulugang si Abias ang papalit sa kanya bilang hari. 23Maingat na binigyan ni Rehoboam ng katungkulan ang iba pa niyang mga anak, at inilagay niya sila sa napapaderang lungsod ng Juda at Benjamin. Binigyan niya sila ng kanilang mga pangangailangan at mga asawa.
Kasalukuyang Napili:
2 Mga Cronica 11: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.