Pero sinabi ni David, “Alam na alam ng iyong ama ang tungkol sa pagkakaibigan natin kaya minabuti niya na huwag nang ipaalam sa iyo ang plano niyang pagpatay sa akin, dahil baka masaktan ka lang. Pero tinitiyak ko sa iyo, at sa harap ng presensya ng PANGINOON na buhay, na nasa panganib ang buhay ko.” Sinabi ni Jonatan, “Kung anuman ang gusto mo, gagawin ko.” Kaya sinabi ni David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan, at gaya ng nakagawian, dapat akong kumain kasama ng iyong ama. Pero hayaan mo akong makaalis at magtago sa bukid hanggang sa gabi ng ikatlong araw. Kung hahanapin ako ng iyong ama, sabihin mo sa kanya na humingi ako ng pahintulot sa iyo na umuwi sa amin sa Betlehem para makasama ko ang buong pamilya ko sa paghahandog na ginagawa nila taun-taon. Kapag hindi siya nagalit, ibig sabihin akoʼy wala sa panganib. Pero kapag nagalit siya, alam mo nang binabalak niya akong patayin. Kaya kung maaari, tulungan mo ako, gawin mo sa akin ang kabutihang ito, ayon sa napagkasunduan natin sa harap ng presensya ng PANGINOON. Pero kung nagkasala man ako, ikaw na ang pumatay sa akin. Bakit mo pa ako ibibigay sa iyong ama?” Sumagot si Jonatan, “Hindi iyan mangyayari! Kung nalalaman ko na may balak ang aking ama na patayin ka, ipapaalam ko agad sa iyo.” Nagtanong si David, “Paano ko malalaman kung galit o hindi ang iyong ama?” Sinabi ni Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.” Kaya nagpunta sila roon.
Sinabi ni Jonatan kay David, “Nangangako ako sa PANGINOON, ang Dios ng Israel, na bukas sa ganito ring oras, o sa susunod na araw, makikipag-usap ako sa aking ama, at kung mabuti ang pakitungo niya tungkol sa iyo, ipapaalam ko sa iyo. Pero kung may balak ang aking ama na patayin ka, at hindi ko ito ipinaalam sa iyo para makatakas ka, sanaʼy parusahan ako nang matindi ng PANGINOON. Ngayon, samahan ka sana ng PANGINOON gaya ng ginawa niya noon sa aking ama. At ipakita mo sana ang pagmamahal mo sa akin habang akoʼy nabubuhay pa gaya ng pagmamahal ng PANGINOON sa atin. At kung patay na ako, ipagpatuloy mo pa rin ang pagmamahal sa pamilya ko, kahit pa patayin ng PANGINOON ang lahat ng kaaway mo.”
Kaya gumawa si Jonatan ng kasunduan sa pamilya ni David, at sinabi niya, “Ibigay ka sana ng PANGINOON sa iyong mga kaaway, kapag hindi ka tumupad sa kasunduan natin.” At pinasumpa ulit ni Jonatan si David ng pagmamahal sa kanya dahil mahal na mahal niya si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Pagkatapos, sinabi niya kay David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan at malalaman nila na wala ka roon dahil bakante ang upuan mo. Sa makalawa, bago gumabi, pumunta ka sa dati mong pinagtaguan sa bukid. Maghintay ka roon sa may bato ng Ezel. Darating ako at papana ng tatlong beses sa gilid ng bato na parang may pinapana ako. Pagkatapos, uutusan ko ang isang bata na hanapin ang palaso. Kung sasabihin ko sa kanya na nasa gilid niya ang mga palaso, lumabas ka. Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng PANGINOON na buhay, na wala kang dapat katakutang panganib. Pero kung sasabihin ko sa bata na nasa banda pa roon ang mga palaso, nangangahulugan ito na kailangan mong tumakas dahil pinapatakas ka ng PANGINOON. Tungkol sa sumpaan natin, alalahanin mo na ang PANGINOON ang ating saksi magpakailanman.”
Kaya nagtago si David sa bukid, at nang dumating ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan, umupo si Haring Saul para kumain. Doon siya umupo sa dati niyang inuupuan sa tabi ng dingding. Si Jonatan naman ay naupo sa tapat niya at si Abner sa tabi niya. Pero bakante ang upuan ni David. Nang araw na iyon, hindi nagsalita si Saul tungkol sa pagkawala ni David dahil inisip niya na baka may nagawa si David na nagparumi sa kanya kaya hindi siya nakapunta.
Pero nang sumunod na araw, ang ikalawang araw ng buwan, bakante pa rin ang upuan ni David. Kaya tinanong ni Saul si Jonatan, “Bakit hindi pumupunta rito si David na anak ni Jesse para makisalo sa atin kahapon at ngayon?” Sumagot si Jonatan, “Nagpaalam po siya sa akin na uuwi muna siya sa Betlehem. Sabi po kasi niya, ‘Inutusan ako ng kapatid ko na sumama muna ako sa aking pamilya na maghandog, kaya humihingi ako ng pabor sa iyo, payagan mo akong makita ang aking mga kapatid.’ Iyan po ang dahilan kung bakit hindi nʼyo siya kasalo.” Galit na galit si Saul kay Jonatan. Sinabi niya, “Isa kang suwail na anak! Alam kong kinakampihan mo si David. Ipinahiya mo ang iyong sarili at ang iyong ina. Habang nabubuhay si David na anak ni Jesse, hindi ka magiging hari. Kaya kunin mo siya ngayon at dalhin sa akin. Dapat siyang mamatay.” Nagtanong si Jonatan, “Bakit po ba kailangan siyang patayin? Ano po ba ang ginawa niya?” Pero sa halip na sumagot, sinibat ni Saul si Jonatan para patayin. Kaya nalaman niya na desidido ang kanyang ama na patayin si David. Dahil sa sobrang galit, umalis sa hapag-kainan si Jonatan, at hindi na siya kumain nang araw na iyon dahil masamang-masama ang loob niya sa kahiya-hiyang inasal ng kanyang ama kay David.
Kinaumagahan, pumunta si Jonatan sa bukid para makipagkita kay David gaya ng napagkasunduan. May kasama siyang batang lalaki. Sinabi niya sa bata, “Tumakbo ka na at hanapin mo ang mga palasong ipapana ko.” Kaya tumakbo ang bata at pumana si Jonatan sa unahan nito. Nang dumating ang bata sa lugar na binagsakan ng palaso, sumigaw si Jonatan, “Nasa banda pa roon ang mga palaso. Magmadali ka. Pulutin mo!” Pinulot ng bata ang mga palaso at bumalik sa kanyang amo. Walang kaalam-alam ang bata kung ano ang kahulugan ng mga pangyayari. Sina David at Jonatan lang ang nakakaalam. Pagkatapos, ibinigay ni Jonatan ang mga palaso sa bata at sinabi, “Dalhin mo ito pabalik sa bayan.”
Nang makaalis na ang bata, lumabas si David sa batong pinagtataguan niya at lumuhod sa harap ni Jonatan ng tatlong beses na ang mukhaʼy nakadikit sa lupa bilang paggalang. Niyakap nila ang isaʼt isa na kapwa umiiyak, pero mas malakas ang iyak ni David. Sinabi ni Jonatan kay David, “Sige, sanaʼy maging matiwasay ang iyong paglalakbay. At sanaʼy tulungan tayo ng PANGINOON na matupad ang mga sumpaan natin sa isaʼt isa, hanggang sa mga magiging angkan natin.” Lumakad na si David, at si Jonatan namaʼy bumalik sa bayan.