Mga kapatid, nais kong ipaalala sa inyo ang Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. Ito ang aral na inyong tinanggap at hanggang ngayon ay pinaninindigan ninyo. Sa pamamagitan nitoʼy maliligtas kayo kung panghahawakan ninyong mabuti ang ipinangaral ko, maliban na lamang kung hindi talaga tunay ang inyong pananampalataya. Sapagkat ibinigay ko sa inyo ang pinakamahalagang aral na ibinigay sa akin: Na si Cristoʼy namatay upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan, ayon sa Kasulatan. Inilibing siya ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan. Nagpakita siya kay Pedro, at sa iba pang 12 apostol. Pagkatapos, nagpakita rin siya sa mahigit 500 na mga kapatid na nagkakatipon. Karamihan sa kanilaʼy buhay pa hanggang ngayon, ngunit ang ilan sa kanila ay patay na. Nagpakita rin siya kay Santiago, at pagkatapos sa lahat ng apostol. At sa kahuli-hulihan ay nagpakita rin siya sa akin. Ang katulad koʼy isang sanggol na ipinanganak nang wala sa panahon dahil biglaan ang aking pagkakilala sa kanya. Ako ang pinakahamak sa mga apostol at hindi nga ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang iglesya ng Dios. Ngunit dahil sa awa ng Dios sa akin, naging apostol ako. At hindi nasayang ang biyayang ipinagkaloob niya sa akin, dahil higit akong nagpagal kung ihahambing sa ibang mga apostol, bagamaʼt itoʼy sa pamamagitan ng tulong ng Dios at hindi ng aking sarili lamang. Kaya nga, walang pagkakaiba kung sila o ako ang nangangaral sa inyo. Ang mahalagaʼy iisa ang aming ipinangangaral at iyon din ang inyong pinananaligan.
Basahin 1 Corinto 15
Makinig sa 1 Corinto 15
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 1 Corinto 15:1-11
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas