At habang winawasak ng anghel ang Jerusalem, naawa ang PANGINOON sa mga tao. Kaya sinabi niya sa anghel na lumilipol sa mga tao, “Tama na! Huwag mo na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng PANGINOON sa may giikan ni Arauna na Jebuseo. Tumingala si David at nakita niya ang anghel ng PANGINOON na nakatayo sa himpapawid, sa kalagitnaan ng langit at lupa. May hawak itong espada na nakaturo sa Jerusalem. Pagkatapos, nagpatirapa si David at ang mga tagapamahala ng Israel, na nakasuot ng sako bilang pagpapakita ng kanilang pagdadalamhati. Sinabi ni David sa Dios, “Ako po ang nag-utos na bilangin ang mga lalaki na may kakayahang makipaglaban. Ako lang po ang nagkasala. Ang mga taong ito ay inosente gaya ng mga tupa. Wala silang nagawang kasalanan. O PANGINOON na aking Dios, ako na lang po at ang aking pamilya ang parusahan ninyo. Huwag nʼyo pong pahirapan ang inyong mga mamamayan sa salot na ito.” Pagkatapos, inutusan ng anghel ng PANGINOON si Gad na sabihin kay David na pumunta siya sa giikan ni Arauna na Jebuseo, at gumawa roon ng altar para sa PANGINOON. Kaya pumunta si David ayon sa utos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Gad. Nang panahong iyon, gumigiik ng trigo si Arauna at ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel ng PANGINOON, tumakbo ang apat na anak ni Arauna at nagtago. Pagkatapos, nakita ni Arauna na paparating si David. Kaya umalis siya sa giikan at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya. Sinabi ni David sa kanya, “Ipagbili mo sa akin ang giikan mo para makapagpatayo ako ng altar para sa PANGINOON, para huminto na ang salot sa mga tao. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito.” Sinabi ni Arauna kay David, “Sige po Mahal na Hari, kunin ninyo. Gawin nʼyo kung ano ang gusto ninyo. Bibigyan ko pa po kayo ng baka para ialay bilang handog na sinusunog, mga tabla na ginagamit sa paggiik para ipanggatong at trigo para ihandog bilang pagpaparangal sa PANGINOON. Ibibigay ko po itong lahat sa inyo.” Pero sumagot si Haring David kay Arauna, “Hindi ko ito tatanggapin ng libre. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito. Hindi ko magagawang kunin ito sa iyo at ihandog sa PANGINOON. Hindi ako mag-aalay ng handog na sinusunog na walang halaga sa akin.” Kaya binayaran ni David si Arauna ng 600 pirasong ginto para sa lupain na iyon. Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa PANGINOON at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog para sa mabuting relasyon. At sinagot siya ng PANGINOON sa pamamagitan ng pagpapadala ng apoy mula sa langit para sunugin ang mga handog sa altar. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON sa anghel na ibalik na ang espada niya sa lalagyan nito. Nang makita ni David na sinagot ng PANGINOON ang kanyang dalangin, nag-alay pa siya ng handog doon sa giikan ni Arauna na Jebuseo. Nang panahong iyon, ang Tolda ng PANGINOON at ang altar para sa mga handog na sinusunog na ipinagawa ni Moises sa ilang ay nasa mataas na lugar sa Gibeon. Pero hindi pumunta roon si David para magtanong sa Dios, dahil natatakot siya sa espada ng anghel ng PANGINOON.
Basahin 1 Cronica 21
Makinig sa 1 Cronica 21
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 1 Cronica 21:15-30
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas