Itinala ni Mordecai ang mga bagay na ito, at nagpadala ng mga sulat sa lahat ng Judio, na nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa malapit at gayundin sa malayo,
na ipinagbilin sa kanila na kanilang ipagdiwang ang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at ang ikalabinlima niyon, taun-taon,
bilang mga araw na nagkaroon ng kapahingahan ang mga Judio sa kanilang mga kaaway, at ang buwan na ang kapanglawan ay naging kasayahan para sa kanila, at mula sa pagtangis ay naging mga araw ng kapistahan. Gagawin nila ang mga iyon na mga araw ng pagsasaya at kagalakan, mga araw para sa pagdadala ng mga piling bahagi ng handog na pagkain para sa isa't isa at kaloob para sa mga dukha.